MANILA, Philippines — Higit na kailangan ang kahandaan sa kaso ng mga hindi matantiyang kalamidad, gaya ng kasalukuyang pagsabog ng Bulkang Taal.
Higit na kailangan ang mabisang “unity of command” gaya ng layunin ng panukalang Department of Disaster Resilience (DDR).
Ayon ka Albay Rep. Joey Sarte Salceda, chairman ng House Ways and Means Committee at pangunahing may-akda ng DDR bill, ipinahihiwatig ng matitinding kalamidad na tumamama sa bansa nitong ilang buwang nakaraan, pati na ang kasalukuyang pagsabog ng Bulkang Taal, ang kahalagahan ng Phivolcs at PAGASA bilang “warning agencies’ na dapat maging bahagi ng DDR.
Muling umapela si Salceda na madaliin ang pagpasa ng panukalang DDR ng Senado kung saan ito nakabinbin. Pumasa na ito sa Kamara nitong nakaraang taon. Itinalaga itong prayoridad ni Pangulong Duterte.
Pinuna rin ni Salceda na, sa naganap na mga kalamidad, sadyang halata ang kawalan ng kahandaan ng lahat, dahil sa kakulangan ng sapat na impormasyon at masusing pagsusuri na sadyang layunin ng panukalang DDR.