MANILA, Philippines — Nanawagan ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa publiko na tumulong na ma-rescue at protektahan ang wildlife species na matatagpuan sa paligid ng Bulkang Taal sa Batangas.
Ayon sa DENR, ang mga endangered at endemic animals sa Taal Volcano Protected Landscape (TVPL) ay nag-migrate na sa mga komunidad sa paligid ng bulkan makaraan ang pagsabog nito.
Inabisuhan ni DENR Undersecretary Benny Antiporda ang publiko na agad na ibigay sa mga otoridad ang anumang wildlife species na makikita at matatagpuan upang ang mga ito ay mailipat at maalagaan sa wildlife rehabilitation centers para sa kaukulang disposisyon.
Ang panawagan ay ginawa ni Antiporda makaraang makarating ang ulat sa kanya na may nakapag-rescue ng rufous hornbill na sinasabing mula sa TVPL.
Ang Rufous hornbill (Buceros hydrocorax), na kilala sa tawag na kalaw, ang pinaka malaking species ng hornbill na matatagpuan sa Pilipinas na pinangangambahan ng maubos.
Pinayuhan nito ang makakakuha ng endangered species na huwag itong gawing pets at huwag kakainin dahil ito ay labag sa batas.
Ang mga rescued wildlife ay maaaring mai-turnover sa DENR field offices sa Batangas at Cavite para sa kaukulang disposisyon.