MANILA, Philippines — Pinangangambahang kumalat ang iba’t ibang sakit sa mga evacuation centers kung saan nanunuluyan ang mga naapektuhan ng pagsabog ng Bulkang Taal.
Sinabi ni Health Secretary Francisco Duque na nakatutok na ngayon ang DOH sa posibleng epidemya ng mga sakit na idudulot sa mga evacuees.
Libong mga residente sa Batangas ang nasa iba’t ibang evacuation area matapos ang pagsabog.
Ani Duque, mapanganib sa kalusugan ng mga may sakit ang ash- fall.
Posibleng mas lumalala pa ang sakit ng mga may bronchitis, pneumonia, asthma at lung conditions.
Makakaapekto ng malaki sa lung tissue ng isang tao ang toxic chemicals tulad ng carbon dioxide, sulfur dioxide, hydrochloric acid, hydrofluoric acid, fluorine at silica.
Handa rin ang DOH sa pagbabakuna bunsod ng posibleng outbreak ng mga sakit sa evacuation centers.
Nakikipag-ugnayan na rin si Duque sa mahuhusay na psychosocial health officers ng Department of Social Welfare and Development matapos makarating sa kanya ang ulat na maraming senior citizens ang na-trauma makaraan ang makapal na ashfall.
Aniya, marami ang nag-akala na katapusan na nila dahil sa sunud-sunod na pag-aalburoto ng bulkan, pagbubuga ng pyroclastic materials at mga pagkidlat.