MANILA, Philippines — Itinalaga na ni Pangulong Rodrigo Duterte si Philippine National Police officer-in-charge Police Lieutenant General Archie Gamboa bilang bagong hepe ng PNP.
Ang pagtatalaga kay Gamboa ay inihayag nito sa isang talumpati sa Davao City, kagabi.
“We have the PNP Chief, I’m going to appoint you as the regular PNP but you and Secretary (Eduardo) Año and I will have a long, long talk first,” sabi ng Pangulo kay Gamboa.
Sinabihan din ng Pangulo si Gamboa na ipakita ang sinseridad at mag-iwan ng bagay na maaalala ng bansa.
“Ipinakita mo sa akin ‘yung sincerity mo and I want you to leave something that you will be remembered by the country,” dagdag ng Pangulo.
Matatandaan na itinalaga ng Pangulo si Gamboa bilang officer-in-charge ng PNP noong Oktubre 2019 matapos magbitiw sa puwesto si dating PNP chief Director General Oscar Albayalde na nasangkot sa isyu ng ninja cops.