MANILA, Philippines – Ang pananahimik ng bulkang Taal ay maaaring indikasyon ng paghina ng aktibidad nito o kaya nagpapahinga lang muna ito bago muling lilikha ng mga serye ng pagsabog.
Ito ang ipinahayag kahapon ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology kasabay ng panghihikayat sa mga mamamayan na huwag papasok sa danger zone.
Ang sinasabing explosive eruption ay maaaring magbunsod ng isang base surge na isang current ng mga abo, bato at hot gas na parang pagsabog ng isang atomic bomb. Ang ganitong pangyayari ay nakapatay ng maraming tao sa nagdaang panahon dahil ang mga debris nito ay maaaring umabot hanggang sa tabing-lawa, ayon kay Phivolcs Volcano Monitoring and Eruption Prediction Division chief Mariton Bornas.
Idiniin ni Bornas na mahirap masabi kung kailan ito mangyayari.
“Maaaring mabuti o masamang bagay ang pananahimik. Kasi kung derederetso yan good yan. Pwede tayo magstand down,” paliwanag niya. “Pero kung medyo mahaba yan at ito ay resting phase lang sa bulkan para pumasok sa bagong cycle ng explosive activity, napakahirap sa ating mga kababayan nyan.”
Kahapon ay nagkaroon ng dalawang maigsing pagputok ang bulkan na kinakitaan ng pagluwa ng kulay dark grey na abo mula sa bunganga na may taas na 500 meters at 800 meters patungong kanluran mula sa crater.
Ayon sa Phivolcs, may kabuuang 566 volcanic earthquakes na ang naitala sa bulkan na ang 172 dito ay naramdaman at umaabot naman sa 4,186 tonelada ng asupre ang nailuluwa ng bulkan kada araw.
Sinasabing ang paghina ng mga aktibidad ng bulkan ay hindi dapat isantabi dahil may posibilidad itong nag-iipon ng lakas sa loob na maaaring pagmulan ng posibleng pagkakaroon ng mas malakas na pagsabog.
Patuloy na ipinaiiral ang alert Level 4 sa buong Taal at walang sinuman ang papayagan na pumasok sa 14-km danger zone dahil sa nakaambang mas matinding pagsabog.