Taal evacuees nagka-trauma

Nakipag-groupie si Sen. Bong Go sa ilan sa mga biktima ng lindol sa Batangas matapos silang maghatid ng relief goods ni Pangulong Rodrigo Duterte kamakalawa.

MANILA, Philippines – Nakatutok ngayon ang Department of Health sa mga evacuation centers sa posibleng mga sakit at trauma na dulot sa mga evacuees matapos ang pagsabog ng Bulkang Taal.

Ayon kay Health Secre­tary Francisco Duque III, nakarating sa kanya ang ulat na maraming senior citizens ang na-trauma makaraan ang makapal na ashfall.

Aniya, marami ang nag-akala na katapusan na nila dahil sa sunud-sunod na pag-aalburoto ng bulkan,  pagbubuga ng pyroclastic materials at mga pagkidlat.

Dahil dito, sinabi ni Duque na nakikipag-ugnayan na sa Department of Social Welfare and Development ang kanilang mahuhusay na psychosocial health officers  upang matiyak ang kanilang kalagayan.

Nagsasagawa rin ng pagbabasa ng libro, pagpapalaro at religious events sa mga evacuees upang maiwasan ang trauma dahil sa pagsabog ng bulkan.

Handa rin ang DOH sa pagbabakuna bunsod ng posibleng outbreak ng mga sakit sa evacuation centers.

Libong mga residente sa Batangas ang nasa evacuation area matapos ang pagsabog. Ani Duque, mapanganib sa kalusugan ng mga may sakit ang ashfall.

Posibleng mas lumalala pa ang sakit ng mga may bronchitis, pneumonia, asthma at lung conditions. 

Makakaapekto ng malaki sa lung tissue ng isang tao ang toxic chemicals tulad ng carbon dioxide, sulfur dio­xide, hydrochloric acid, hydrofluoric acid, fluorine at silica.

Show comments