MANILA, Philippines – Kuntento si Pangulong Rodrigo Duterte sa naging performance ng Phivolcs sa kabila ng panawagan ni Cavite Rep. Elpidio Barzaga na congressional inquiry dito dahil sa kabiguan na abisuhan ang taumbayan sa nakaambang pagputok ng Taal volcano noong Linggo.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, walang nakikitang kakulangan ang Pangulo sa ginawa ng Phivolcs na paghahanda sa pagputok ng Taal.
Sabi ni Panelo, hindi naman nape-predict ang pagputok ng bulkan tulad ng pagyanig ng lindol kumpara sa mga bagyo. Bilib nga anya ang Pangulo sa galing ni Phivolcs Director Renato Solidum sa pagpapaliwanag kaugnay sa bulkan.
Ipinagtanggol din ni Sen. Sherwin Gatchalian ang Phivolcs sa mga batikos na hindi kaagad na-predict ang pagputok ng Taal.
Ayon kay Gatchalian, wala pa siyang nakikitang ahensiya sa buong mundo na kayang magsabi ng eksaktong pagputok ng isang bulkan.
Ipinunto rin ng senador na wala pang teknolohiya, sistema o software na maaring manghula sa pagputok ng bulkan.
Naniniwala rin si Gatchalian na ginawa ng Philvocs ang lahat ng makakaya para mabigyan ng warning ang mga mamamayan.
Responsibilidad din aniya ng mga mamamayan na makinig sa warning at dapat maghanda ang mga local government units.
Pero sa kabila nito, malaya naman daw ang Kamara na magsagawa ng imbestigasyon dahil bahagi ito ng kanilang mandato.