‘Zero Hunger’ task force binuo ni Duterte
MANILA, Philippines – Bumuo si Pangulong Rodrigo Duterte ng isang inter-agency task force na tutugon sa problema sa kagutuman sa bansa para makamit ang target na “zero hunger” sa 2030.
Sa Executive Order No. 101 na nilagdaan ng Pangulo noong Enero 10, nakasaad ang pagtatag ng Task Force on Zero Hunger na pamumunuan ni Cabinet Secretary Karlo Nograles.
Kabilang sa mga miyembro ng task force ang mga kalihim ng Social Welfare, Agriculture, Agrarian Reform, Budget and Management, Education, Environment and Natural Resources, Health, Labor and Employment, Interior and Local Government, Trade and Industry, Science and Technology at Communications departments.
Kasama rin dito ang director general ng National Economic and Development Authority (NEDA) at chairperson ng Commission on Higher Education.
Ilan sa mandato ng task force ang pagbuo ng National Food Policy na siyang babalangkas sa mga prayoridad at roadmap ng gobyerno sa pagkamit ng “zero hunger.”
“The National Food Policy should include initiatives for ending hunger, achieving food security, improving nutrition, and promoting sustainable agriculture,” ani Pangulong Duterte.
Binigyang punto ng Palasyo na “sa survey na isinagawa noong unang quarter ng 2019 ay napag-alamang 9.5% o tinatayang 2.3 milyong pamilya ang nakararanas ng gutom kalimitan isang beses sa loob ng nakalipas na tatlong buwan ng nasabing taon.”
- Latest