MANILA, Philippines — Nangako ng P2.5 milyong donasyon ang pamahalaang lungsod ng Maynila sa limang munisipalidad na labis na naapektuhan ng pagsabog ng Bulkang Taal.
Ayon sa Resolution 1 series of 2020 ng Manila City Council, maglalabas sila ng tig-P500,000 para sa mga sumusunod na munisipalidad:
- Talisay, Batangas
- Taal, Batangas
- Agoncillo, Batangas
- Lemery, Batangas
- Laurel, Batangas
Kinuha ang pondo mula sa local disaster risk reduction and management fund.
"Nakita ng Sangguniang Panlungsod ng Maynila ang agarang pangangailangan na mag-abot ng tulong pinansyal sa mga munisipalidad, partikular ang limang pinakanaapektuhan ayon sa rekomendasyon ng National o Regional Reduction and Management Council," sabi ng resolusyon.
Ipinaskil naman sa Facebook ni Manila Mayor Francisco "Isko Moreno" Domagoso ang kuha ng tsekeng ipamimigay sa mga nasabing bayan.
"Nagpapasalamat po ako dahil tayong mga Batang Maynila ay nagkakaisa para matulungan ang ating mga kapwa Pilipino na dumaranas ngayon ng matinding pagsubok dulot ng pagsabog ng Bulkang Taal," ani Domagoso.
"Patuloy po sana tayong manalig sa Poong Maykapal na mailagay sa kaayusan ang mga nasalanta pati na rin ang kanilang kinalalagyan."
Pinsala ng pag-aalboroto ng Taal
Kaninang umaga, sinabi ng National Disaster Risk Reduction and Management Council na umabot na sa 65,184 katao ang naapektuhan ng aktibidad ng bulkan sa Batangas at Cavite.
Sa bilang na 'yan, nasa 53,832 na ang kasalukuyang nanunuluyan sa 244 evacuation centers.
Samantala, umabot na sa P74,549,300 ang pinsala sa agrikultura buhat ng kaliwa't kanang ashfall at mga volcanic earthquakes.
Ilan sa mga apektadong produkto ay ang mais, high-value crops gaya ng kape, live-stock gaya ng mga manok at kalabaw, atbp.
As of 4 a.m. kanina, umabot na rin sa 566 paglindol ang naitala sa rehiyon ng Taal.
Nasa 172 sa mga nabanggit na pagyanig ang nadama, mula Intensity I hanggang Intensity V. — James Relativo