MANILA, Philippines — Ipinaalala ng Commission on Elections ang muling pagbubukas ng registration period para sa mga nais maging opisyal na botante, bagay na magsisimula sa susunod na linggo.
Tatakbo ito mula ika-20 ng Enero hanggang ika-30 ng Setyembre, 2021 bago ang 2022 national at local elections.
Only 5 days to go before #VoterReg2020. #MagpaRehistroKa na! pic.twitter.com/IfwKHCNUjg
— COMELEC (@COMELEC) January 15, 2020
Maliban sa aplikasyon para sa pagpaparehistro, tatanggapin din ang:
- paglilipat ng registration records
- pagpapalit/pagtatama ng entries sa tala ng rehistro
- pagre-reactivate ng registration record
- pagbabalik ng pangalan sa listahan ng mga botante
Maaari ring i-update ng mga may kapansanan, senior citizens, katutubo at iba pang bulnerableng sektor ang kanilang mga record.
Sabi ng Comelec nitong Biyernes, kinakailangang personal na gawin ang mga transaksyon sa Office of the Election Officer ng lungsod o munisipalidad kung saan nakatira ang aplikante.
Maaari itong asikasuhin mula Lunes hanggang Sabado (kahit na holiday), mula 8:00 n.u. hanggang 5:00 n.h.
Gayunpaman, hindi raw maaaring magparehistro sa mga sumusunod na petsa:
- tuwing Linggo
- Huwebes Santo (ika-9 ng Abril, 2020)
- Biyernes Santo (ika-10 ng Abril, 2020)
- Pasko (ika-25 ng Disyembre, 2020)
"Dahil sa kondukta ng plebisito sa 23 munisipalidad ng probinsya ng Palawan sa ika-11 ng Mayo, 2020, hindi magsasagawa ng registration [doon]," sabi ng Comelec sa Inggles.
Sa kabila nito, magpapatuloy ang pagpaparehistro ng mga residente ng Puerto Princesa City sa Lunes.
Sinu-sino ang pwedeng magparehistro?
Maaaring magparehistro para sa susunod na eleksyon ang sumusunod:
- 18 taong gulang sa araw ng halalan
- nakatira sa Pilipinas nang hindi bababa sa isang taon
- nakatira sa lugar na plano niyang pagbotohan sa loob ng anim na buwan
"[H]indi na kinakailangang magparehistro ang mga registered voters as of May 13, 2019 midterm elections," dagdag nila.
Maaari ring magpa-rehistro at bumoto ang mga naturalized citizens, o mga dating banyaga na nanumpa na sa batas bilang mga Pilipino. — James Relativo