China Coast Guard 'pabalik-balik' malapit sa Ayungin Shoal habang wine-welcome ng Pilipinas ang Tsina

Kahapon lamang nang malugod na salubungin ng coast guard ng Pilipinas si CCG director general Maj. Gen. Wang Zhongcai kasabay ng week-long port call ng CCG Vessel 5204.
Mula sa Twitter account ni Ryan Martinson

MANILA, Philippines — Habang sinasalubong ng Philippine Coast Guard ang kanilang Chinese counterpats nitong Martes, natagpuan naman ang China Coast Guard malapit sa Ayungin Shoal na inaangkin ng Pilipinas.

Ipinaskil ni Ryan Martinson, assistant professor sa China Maritime Studies Institute, ang litrato ng track ng CCG ship malapit sa shoal, kung saan nakahimpil ang mga tropang Pilipino.

"Inilatag ng Pilipinas ang red carpet para sa commander ng China Coast Guard. Samantala, pabalik-balik naman ang [CCG], ginagambala ang Pilipine Marines sa Second Thomas Shoal," sabi ni Martinson sa Inggles.

Kilala rin ang Ayungin sa pangalang Second Thomas Shoal.

Una nang kinumpirma ni Western Command Vice Adm. Rene Medina sa media na ika-6 ng Enero pa malapit sa Ayungin Shoal ang CCG 5402.

Kahapon lamang nang malugod na salubungin ng coast guard ng Pilipinas si CCG director general Maj. Gen. Wang Zhongcai kasabay ng week-long port call ng CCG Vessel 5204.

Paglalahad pa ni Martinson, nasa iisang unit lamang ang CCG 5204 at CCG 5402.

Matatandaang nagbigay ng mga donasyon ang mga dayuhang coast guard kahapon para sa mga nasalanta ng Bulkang Taal, kabilang ang N95 masks at relief goods.

Noong 2018, binanggit na ng Department of National Defense sa Kamara na Enero 2019 pa nakitang malapit ang mga sasakyang pandagat ng CCG sa Ayungin Shoal.

Ibinalita rin ng DND ang pagharang ng CCG ship sa tatlong Philippine civilian vessels na nasa isang resupply mission sa BRP Sierra Madre, na kasalukuyang naka-ground sa nasabing shoal.

Lumapit daw ang CCG vessel, na may bow bumber na 3305, sa layong 1,600 mula sa mga bangka ng mga Pinoy.

Dahil dito, iniutos ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. ang paghahain ng diplomatic protest sa pagpasok ng Chinese vessels sa lugar.

Nasa 20 nautical miles lang ang Ayungin Shoal mula sa Mischief Reef, isa sa mga inaangking teritoryo ng Pilipinas ngunit inookupa ng Tsina. — James Relativo at may mga ulat mula kay Patricia Lourdes Viray

Show comments