Mga hayop, halaman sa paligid ng Taal patay lahat
MANILA, Philippines – Patay na ang lahat ng mga halaman at hayop sa Taal Island kasunod ng pagpapakawala ng bulkan nito ng mga abo at lava.
Nabatid kay National Disaster Risk Reduction and Management Council Spokesman Mark Timbal na 18,000 residente mula sa mga bayan ng Laurel, Balete, Talisay, San Nicolas, Agoncillo, Alitagtag, Mataas na Kahoy, Lemery at mga lunsod ng Tanauan at Lipa sa Batangas ang nailikas na.
“Una munang inilikas ang mga residente at isusunod na ang hayop. Pero hindi na nakabalik ang mga rescuer dahil sa lumubhang sitwasyon,” sabi ni Timbal.
“Nasabi sa amin sa aerial inspection na patay na ang mga halaman at hayop sa bulkan kaya wala nang dahilan para bumalik ang mga rescuer. Tataas pa ang bilang dahil patuloy na inililikas ang ilang residenteng nasa 14-kilometer danger zone,” dagdag ni Timbal.
Sapat pa rin anya ang mga suplay para sa mga residenteng nasa 76 evacuation center pero tatanggapin pa rin ang mga donasyong pagkain, maiinom na tubig at tulugan.
Sinabi pa niya na, kapag tumagal ang aktibidad ng bulkan, isasagawa ang mga klase sa mga evacuation center habang ilang lugar ang ilalaan para sa mga evacuees.
Kapag tumindi ang aktibidad ng bulkan, hindi na papayagan ng pamahalaan ang pagtatayo ng mga permanenteng bahay sa islang bulkan, ayon pa kay Timbal.
“Ituturing na no man’s land ang main volcanic island. Walang komunidad na papayagang magtayo rito muli ng mga bahay. Hindi na sila papayagang bumalik. Paglalaanan sila ng resettlement site,” sabi pa ni Timbal.
- Latest