Mapanganib na pagsabog ng bulkang Taal pinangangambahan
Parang atomic bomb
MANILA, Philippines — Pinangangambahang magkaroon ng mapanganib na pagsabog na parang atomic bomb ang bulkang Taal sa loob ng ilang oras o ilang araw.
Pero, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology, ang pagsabog na ito ay hindi katulad ng enerhiya ng atomic bomb.
Nananatili sa alert level 4 ang bulkan na, ibig sabihin, posibleng maganap dito ang hazardous eruption.
“Siguro ang closest na puwede nating ihambing sa malakas na pagputok ng Taal ay isang atomic bomb explosion ‘yung hitsura niya, hindi ‘yung energy,” paliwanag ni Phivolcs volcano monitoring division chief Ma. Antonia Bornas sa mga reporters.
Kabilang sa mga panganib sa naturang pagsabog ang base surges o expanding rings of turbulent mixture of fragments and gas at the base of explosion columns.
“Meron kang matayog na eruption column tapos meron po na ring kumakalat mula doon sa base ng eruption column,” sabi ni Bornas. “Ito pong ring na ito, ito po ‘yung base surge, tumatawid siya ng lawa at tinatamaan niya yung mga pamayanan sa paligid ng lawa. ‘Yung base surge po talaga yung primary hazard.”
Ang iba pang panganib ay malawakang ashfall, landslides, volcanic gas, liquefaction, fissuring, at volcanic tsunami.
Samantala, hindi pa alam ng mga eksperto ng (Phivolcs) kung hanggang kailan matatapos ang pag-aalburoto ng Bulkang Taal sa lalawigan ng Batangas.
Sinabi ni Bornas na hindi pa niya matiyak kung may tatlong araw, buwan o taon ang itatagal ng pag-aalburoto ng bulkan dahil hirap sila ngayon na makita ang tunay na kaganapan sa loob ng bulkan dahil sa nasira ang kanilang mga instrumento dahil sa makakapal na putik na tumabon sa kanilang mga gamit.
Sinabi ni Bornas na sa gilid ng bulkan naganap ang pagsabog. Anya, preatum magmatic eruption ang nangyari sa bulkan o pagsabog na magkasama ang tubig at magma. Makaraan anya nito ay nagkaroon na ng lava fountain.
Sa ngayon anya ay mabilis ang akyat ng magma sa Taal volcano.
Sinabi ni Bornas na posibleng magkaroon ng volcanic tsunami sa Taal kapag nagkaroon ng explosion sa floor lake at magkakaroon ng ground deformation o pag-alsa ng lupa na sisipa sa tubig.
Maaari din anyang ilagay sa alert level 5 ang bulkan kung sakaling magkaroon ng highly hazardous explosion ang bulkan.
Sa ngayon anya, ang bulkan ay nagpapalabas ng magma mula sa ilalim ng bulkan at paglabas ng asupre akyat-baba pero hindi nagbago ang acidity sa lake water sa bulkan.
Sinabi ni Bornas na nasa high risk sa ngayon ang mga lugar ng Agoncillo, San Nicolas, Laurel at Talisay dahil nasa western part ang mga lugar na ito na maaaring maapektuhan ng matinding pagsabog ng Taal volcano gayundin ang Tanauan,volcano island at Calamba, Laguna.
- Latest