Batangas isinailalim na sa state of calamity
MANILA, Philippines — Isinailalim na sa state of calamity ang Batangas bunga ng matinding epekto ng phreatic explosion ng Taal volcano na nagbuga ng ashfall at nakaapekto sa buong lalawigan.
Ang ashfall ay nakaapekto rin sa mga kanugnog na lalawigan ng Rizal, Cavite, Laguna, Metro Manila at maging sa ilang bahagi ng Central Luzon.
Sa isang radio interview, kinumpirma ni Batangas Governor Mark Leviste na ipinasya nilang isailalim sa state of calamity ang buong lalawigan matapos magpulong ang Sangguniang Panlalawigan.
“Katatapos lang po mag-convene ng Sangguniang Panlalawigan ng Batangas at idineklara na nga po namin sa aming lalawigan ang state of calamity para magamit ang aming quick response or emergency fund,” pahayag ni Leviste.
Sa pamamagitan anya nito ay mas mabilis na matutugunan ang mga pangangailangan ng mga evacuees sa mga kritikal na lugar lalo na ang mga nawalan ng kabuhayan.
Inihayag ni Leviste na nasa P60 milyon ang pondo na kanilang magagamit na pondo para sa mga apektadong residente.
“Malawak po ang nasasakupan (pinsala ng ashfall ) dahil, kahit yung mga bayan na hindi kasing apektado, sila naman po ay nagbukas ng evacuation centers kaya mag-a-augment tayo ng pondo,” pahayag ng opisyal.
Kabilang dito ang mga pangunahing pangangailangan tulad ng pagkain, tubig at iba pang mga logistical requirements ng mga apektadong libong residente.
Bunga ng matinding epekto ng ashfall ay walang kuryente sa mga bayan ng Talisay, Laurel, Agoncillo at San Nicolas.
- Latest