DTI nagbabala sa mga retailer
MANILA, Philippines — Nagpakalat na ng mga tauhan ng Department of Trade and Industry (DTI) para umikot sa iba’t ibang mga pamilihan para supilin ang mga napaulat na pag-abuso sa presyo ng mga face masks na pinagkakaguluhan ng publiko dahil sa nararanasan na “ashfall”.
Sinabi ng DTI na merong mga nagsumbong sa kanila na ilang mga retailer ang nagtaas ng presyo ng face mask at gas mask para samantalahin ang biglang pangangailangan dito dahil sa pagputok ng bulkang Taal.
Sa reklamo ng mga konsyumer na isinumbong sa DTI at naka-post din sa social media, ang dating P35 na N95 surgical mask ay ibinibenta na ng mga negosyante mula P100 hanggang P200 bawat isa.
Kaugnay nito, sinabihan ng DTI ang mga retailer na nagpakalat ng mga tauhan ang departamento para imonitor at matyagan ang galaw ng presyo ng face mask sa pamilihan.
Ang mapapatunayang umaabuso sa presyo ng mga face masks ay lalabag sa “profiteering” at pananagutin ng DTI base sa isinasaad ng batas.