MANILA, Philippines — Magpapada na ang Department of Health (DOH) ng mga protection kits tulad ng N95 masks at eyedrops sa mga residenteng naapektuhan ng pag-alburoto ng Bulkang Taal.
Ayon kay Health Undersecretary Eric Domingo, magsu-supply ang DOH ng mga protection kits na nagkakahalaga ng P1.5 milyon sa rehiyon ng CALABARZON.
Sinabi pa ni Domingo na makikipag-ugnayan na ang ahensya sa mga municipal and city health officers sa mga lugar na mataas ang panganib para ipamahagi ang mga kagamitan.
Aniya, prayoridad ng DOH ang CALABARZON dahil ito ang mga lugar na may mataas ang panganib.
Kahapon ay dinagsa ng maraming tao ang Bambang St. sa Sta. Cruz, Maynila upang bumili ng N95 mask at protektahan ang kanilang mga sarili sa mapanganib na epekto ng ashfall sa lugar.
Kilala ang Bambang sa kanilang mga medical supplies at equipment ngunit napabalitang bumaba ang supply ng ilang tindahan ng N95 mask at sa ngayon ay ordinaryong face mask na lang ang ibinibenta ng mga ito.
Batay sa Metro Manila Disaster Risk Reduction and Management Council, nakaranas ng ashfall ang lugar ng Cavite, Batangas, Rizal, Northwestern portion ng Quezon, Metro Manila, Bulacan, Pampanga, Bataan, Tarlac, Nueva Ecija, Eastern portion ng Pangasinan, at Southeastern portion ng Zambales.