DENR: Hangin sa Mandaluyong, Taguig at Las Piñas 'unhealthy' dahil sa ashfall

Dahil dito, sinasabing delikado ang mga lungsod na 'yan sa mga may bronchitis, emphysema o asthma.
The STAR/Boy Santos

MANILA, Philippines — Pinangalanan ng Department of Environment and Natural Resources ang kaledad ng hangin sa iba't ibang bahagi ng Kamaynilaan kasunod ng mga pagputok ng Bulkang Taal, Lunes, dahilan para mapag-alaman ang mga pinaka-delikadong lugar sa mga may iniindang karamdaman sa rehiyon.

Ilan sa mga tinukoy na lugar ng Environmental Management Bureau bilang "unhealthy for sensitive groups" ang mga lungsod ng Mandaluyong, Taguig at Las Piñas.

Kahit na sa Talisay, Batangas pa nanggaling, umabot kasi ng Metro Manila ang abo na ibinuga ng pagsabog ng Taal kahapon.

Pawang nakapagtala ng matataas na lebel ng "particulate matter" (PM 10) sa hangin ang mga nabanggit na lugar:

  • Mandaluyong (PM 10: 118)
  • Las Piñas (PM 10: 108)
  • Taguig: (PM 10: 104)

Dahil dito, sinasabing delikado ang mga lungsod na 'yan sa mga may bronchitis, emphysema o asthma.

 

"Ang PM10 ay maliliit na butil na may sukat na 10 dyametro," sabi ng DENR National Capital Region sa Inggles.

"Napakapino ng mga piraso nito kung kaya't tinatawag din itong 'respirable' (kayang langhapin) particulate matter."

Narito naman ang sukat ng PM 10 sa iba pang bahagi ng Kamaynilaan:

Nakakuha naman ng air quality na "moderate/fair" ang:

  • Makati (PM 10: 63)
  • Parañaque (PM 10: 62)
  • Pasig (PM 10: 63)

Nakakuha naman ng "good" na grado ang:

  • Malabon (PM 10: 28)
  • San Juan (PM 10:22)

Proteksyon sa maruming hangin

Muling inabisuhan ng DENR ang publiko na mag-ingat at magsuot ng maskara't goggles kung lalabas.

Iminungkahi na ng Department of Health na N95 grade mask ang suotin sa ngayon kung lalabas ng bahay, sa dahilang nafi-filter nito nang maayos ang mga pinong butil.

Kung walang N95 mask, maaari naman daw gamitin ang surgical masks, dust masks o mamasa-masang panyo bilang alternatibo.

Gayunpaman, sinabi ng Philippine Red Cross na hindi sapat ang proteksyong ibinibigay ng normal na surgical mask.

"Hindi nagbibigay ng mapagkakatiwalaang lebel ng proteksyon [ang surgical mask] mula sa paglanghap ng mailiit na airborne particles," sabi ng Philippine Red Cross.

"Hindi ito maituturing na respiratory protection."

Kung walang N95 mask, maaari raw na lagyan ng dalawang piraso ng tissue paper sa loob ng surgical mask.

Aniya, madaragdagan nito ng 75% hanggang 90% ang kapasidad ng surgical mask na mag-filter gaya ng N95.

Nagbabala naman ng kasong administratibo at kriminal ang Department of Trade and Industry sa mga negosyong balak manamantala sa pagdurusa ng marami sa pamamagitan ng pagtataas ng presyo ng mga mask.

Maraming botika at tindahan sa ngayon ang naubusan na ng suplay ng mask, gaya ng Mercury Drug.

Libu-libo na rin ang inilikas na residente mula sa rehiyon ng CALABARZON bunsod ng pangyayari.

Show comments