MANILA, Philippines — Ipinabatid ng isang tanyag na kumapanya ng botika na hindi sila magtataas ng presyo ng face mask, kasunod ng idineklarang Alert Level 4 at pagbuga ng mapaminsalang abo ng Bulkang Taal, na dama mula Gitnang Luzon, Calabarzon hanggang Kamaynilaan.
"Hindi talaga magtataas ng mga presyo," sabi ng Mercury Drug sa isang pahayag, Lunes.
"Nandito kami para maghatid ng pinakamainam na serbisyong pangkalusugan sa lahat ng aming mga suki, lalo na sa mga panahong ito."
Kaiba 'yan sa naunang pahayag ni Manila Vice Mayor Honey Lacuna-Pangan na umakyat na ng P200 kada piraso ang bentahan ng mask kasunod ng banta ng "explosive eruption" ng Bulkang Taal.
Binalaan na ng Department of Trade and Industry ang ilang mga retailers na naiisumbong nang nagtaas ng presyo ng face masks at gas masks, na "nagsasamantala" raw sa pagtaas ng demand.
Nagtalaga na rin daw ang DTI ng mga teams upang magmonitor ng paggalaw ng mga presyo nito sa merkado.
"Ang mga makikitang magtataas ng presyo ng mga gas mask, face mask at iba pang kahalintulad na gamit, na titignan bilang 'profiteering,' ay haharap sa mga itinakdang parusa ng batas," sabi nila sa isang pahayag.
"Hindi magdadalawang-isip ang DTI na maghain ng kasong administratibo at kriminal laban sa mga lalabag na negosyo't entidad na pagsasamantalahan ang agarang pangangailangan ng consumers sa ngalan ng tubo."
Una nang sinabi ni Department of Health Secretary Francisco Duque III na N95 mask ang dapat gamitin kapag lalabas ng bahay upang ma-filter nang maayos ang nagkalat na ashfall sa paligid.
Pero ngayong Lunes, sinabi naman ng DOH na okay lang ang surgical masks, dust masks o mamasa-masang panyo bilang alternatibo.
Pinaiiwas din ng Kagawaran sa Kalusugan ang paggamit ng contact lens, pagkukuskos ng mata, at sa halip iminungkahi muna ang paggamit ng salamin, goggles at pagbanlaw ng mata ng umaagos na tubig kung maiirita. Pinag-iingat din mula sa ashfall ang mga may hika.
'Wala nang masks'
Sa kabila ng anunsyo ng Mercury Drug na hindi sila magtataas ng presyo, amminado naman silang wala na silang stock nito sa ngayon.
"Nakikipag-ugnayan na ang Mercury Drug sa mga supplier para mapuno uli ang inventory," sabi ng kumpanya.
Agawan ngayon ang mga mamimili sa mga face masks bilang pananggala sa peligrosong ashfall ng Bulkang Taal, dahilan para maubos ang suplay nito sa maraming tindahan at botika. @PilStarNgayon @PhilstarNews
— James Relativo (@james_relativo) January 13, 2020
(???? The Star / Edd Gumban) pic.twitter.com/o7JmJKBpQ7
Sa ngayon, prayoridad daw muna ng dambuhalang botika ang mga nakatira malapit sa Taal.
Sa ulat ng GMA News, sinabi ni Health Undwersecretary Eric Domingo na magbibigay sila ng protection kits na nagkakahalaga ng P1.5 milyon sa rehiyon ng Calabarzon. Kasama sa nasabing kit ang mga N95 masks at eye drops.