MANILA, Philippines — Nais ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año na ang mga pinakamahuhusay at may puso lamang para sa paglilingkod ang mga kukuhaning bagong pulis ng Philippine National Police (PNP) na inaasahang magre-recruit ng 17,000 bagong police officers ngayong taong ito.
Ayon kay Año, dapat na tiyakin ng PNP na magpapatupad sila ng mahigpit na recruitment at hiring process upang masigurong hindi lamang mentally at physically fit ang mga aplikante na makakapasok sa PNP at tanging ang mga ‘crème de la crème’ lamang ang mapipili.
Binalaan din naman ni Año ang mga matataas na opisyal laban sa paggamit ng ‘bata-bata system’ at tiniyak na paparusahan ang sinumang mapapatunayang lalabag dito.
“Huwag ninyong pansinin kung may backer man na mataas na opisyal o kaya bata-bata ng mga nakakataas. Kahit sino pa ang kamag-anak o kakilala ng magpupulis, kung hindi naman siya qualified, hindi siya dapat maging pulis,” giit pa ng kalihim.
Dapat din aniyang maging transparent ang proseso ng recruitment mula sa unang araw pa lamang upang maiwasan ang anumang iregularidad.
Samantala, sinegundahan naman ni P/Lt. Gen. Guillermo Eleazar, hepe ng PNP Directorial Staff, ang pahayag ng Interior Secretary.
“Walang padri-padrino, walang palakasan (No backers. No favorites). Only those who are the best and most deserving among the qualified applicants will be accepted,” ani Eleazar, nang mahingian ng komento hinggil sa isyu.
Nauna rito, inawtorisa na ng National Police Commission at ng Department of Budget and Management ang PNP na punuan ang 17,000 vacancies sa ilalim ng Recruitment Program para sa taong 2020.
Ang mga naturang vacancy ay binububo ng 10,000 annual regular recruitment quota at 7,000 additional quota upang palitan ang mga retirado, may sakit, dismissed, AWOL (absent without leave), at mga separated personnel.