MANILA, Philippines — Kinumpirma ng dating senador at anak ng diktador na si Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. na plano niyang tumakbo para sa isang national post sa taong 2022.
Sa kabila nito, hindi pa naman daw siya nakakapagdesisyon kung anong posisyon ang tatakbuhan.
"Wala pa nga akong posisyon eh. Eh kung tumakbo akong senador, walang tandem," pabiro niyang sagot sa National Press Club forum kung sino ang gagawin niyang running mate kung maisipang tumakbo sa pagkapresidente.
"Malayo pa tayo roon."
Aniya, pinakinggan niya ang payo sa kanya ng dating senador at negosyanteng si Manny Villar at ehemplo ni dating Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino III.
"Kung aalalahanin natin, as of August of 2015, hindi siya kandidato. Pagdating ng Mayo 2016, siya na ang presidente," sabi niya sa magkahalong Filipino at Inggles.
"Ganoon kabilis ang pulitika dito sa Pilipinas. Kaya kung mag-commit ka dito sa isang position eh nagbago [ang sitwasyon], ipit ka... Kasi kami, tinitignan talaga namin."
Paliwanag niya, hindi niya ito ginagawa para lang maging malikhain sa kanilang pananagot: "Talagang kailangang i-assess eh."
Electoral protest sa pagka-VP
Kasalukuyang kwinekwestyon ni Marcos ang kanyang pagkatalo kay Bise Presidente Leni Robredo, at sinabing posibleng may pandarayang nangyari.
Samantala, patuloy naman ang paghiling ni Robredo sa Korte Suprema, na umuupo bilang Presidential Electoral Tribunal, na tuluyang maibasura ang electoral protest ni Marcos.
Aniya, naipakita naman daw kasing walang "substancial recovery" si Marcos mula sa pilot provinces na pinili niya kaugnay ng recount ng Mayo 2016 national elections.
Kabilang sa mga probinsyang 'yon ang Camarines Sur, Iloilo at Negros Oriental.
"Nakakalungkot na it took over three years," dagdag pa ni Marcos ngayong Biyernes.
"Papaano ba tayo magsasabi na maayos ang ating pamahalaan, maayos ang ating pagpapatakbo kung tatlong taon na, hindi pa natin nalalaman nang mabuti kung sino ba talaga ang nanalo bilang bise presidente?"
Tinawag naman ni NPC Vice President Paul Gutierrez si Bongbong bilang "tunay na VP." — may mga ulat mula sa News5