MANILA, Philippines – Bubuksan na ang P4.8-bilyong Bicol International Airport (BIA) sa Daraga, Albay at pasisimulan din ang P175-bilyong Philippine National Railways (PNR) South Haul na magsisimula sa Calamba City sa Laguna at nagtatapos sa Matnog, Sorsogon.
Ayon kay Albay Rep. Joey Sarte Salceda, chairman ng House Ways and Means Committee, tiniyak sa kanya ni Transportation Secretary Arthur Tugade ang kaganapan ng dalawang nabanggit ngayong 2020. Itinuturing ang dalawang proyekto na mahahalagang susi sa mga potensiyal na kayamanan ng Timog Luzon, lalo na sa turismo.
“Lalapag sa mismong pusod ng turismo ng Bikol sa Albay ang mga turistang dadaan sa BIA kung saan kaagad nilang masisilayan ang kilalang Bulkang Mayon at Cagsawa Ruins,” sabi ni Salceda.
Pasisisimulan din sa Abril ang ‘first phase’ ng PNR South Long Haul project na mag-uugnay sa Calamba City sa Laguna at Legazpi City sa Albay na may habang 408 kilometro.
Ayon kay Salceda, magsisilbing matibay na gulugod ang makabagong PNR South Railways sa pag-unlad ng Timog Katalugan at Bikolandiya. Pag-uugnayin nito ang mga ‘airport, seaport and growth hubs’ para lalong mapabilis ang pagsulong ng buong Timog Luzon.