MANILA, Philippines — Kinumpirma ng Department of Labor and Employment na gumagawa na sila ng paraan upang mahanapan ng ibang bansang mapagtratrabahuhan ang mga overseas Filipino workers na uuwi ng Pilipinas dahil sa tensyon sa pagitan ng Iran, Iraq at Estados Unidos.
Kahapon nang ideklarang Alert Level 4 na ang bansang Iraq, dahilan para mag-utos ng mandatory repatriation, o sapilitang pagpapauwi, ang embahada ng Pilipinas sa Baghdad.
"[Nandiyan ang Japan], Tsina, Rusya, Canada at kahit Israel. Mga alternatibong market ito," ani Labor Secretary Silvestre Bello III sa panayam ng ANC sa Inggles, Huwebes.
"Kailangan na lang nating pabilisin ang negosasyon natin sa mga bansang 'yon."
Sa ngayon, abala na raw ang DOLE sa pagpro-profile ng mga OFW na mapauuwi ng bansa upang malaman kung saang bansa sila itatalaga.
Karamihan daw ng mga manggagawang Pinoy sa Iraq ay mga skilled workers.
"'Yan ang pinakamalaking problema, kung ayaw nilang umuwi ng Pilipinas. At sa tingin ko, karamihan sa kanila ay ayaw umuwi," dagdag ni Bello.
Idadaan daw nila sa pakiusap ang mga OFW sa Iraq upang umalis na roon kung ayaw umuwi, o direktang kakausapin na ang kanilang employers upang i-terminate na ang kanilang kontrata: "[M]ahirap talaga 'yan... ang pinag-uusapan natin ay halos 6,000 Pilipino."
Nakatakda ring magpadala ng dalawang batalyong miyembro ng Armed Forces of the Philippines sa Gitnang Silangan para tumulong sa OFW repatriation.
Tumundi ang gulo sa Iraq nang ipapatay ni US President Donald Trump ang lider-militar ng Iran na si Qasem Soleimani nitong Enero, na noo'y nasa Baghdad International Airport.
Gumanti naman ang gobyerno ng Iran sa Amerika at nagpakawala ng mga missile sa Ain al-Asad airbase sa Iraq, kung saan tumutuloy ang ilang sundalong Amerikano.
"By and large, siguro most of them dapat umuwi ng Pilipinas. Kaya handa tayo sa [pagbibigay ng]... kabuhayan. Kaya nakikipag-ugnayan tayo ngayon sa [Department of Trade and Industry]," ani Bello.
Mga uuwi labas sa Iraq
Una nang sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III na Alert Level 4 na rin sa Iran at Lebanon, ngunit naglabas na raw ng unofficial na pahayag na nagsasabing wala nang mandatory repatriation sa dalawang bansa.
Sa kabila nito, tinitignan pa rin daw ng gobyerno kung pauuwiin ang mahigit 2 milyon hanggang 4 na milyon labas sa Iraq.
"Alam mo naman 'yung mga Middle East countries diyan, may sari-sariling away 'yan eh," wika pa ng kalihim.
Aniya, may mga hidwaan daw kasi ang Iran at Saudi Arabia, Qatar at Saudi, at iba pa: "Ano 'yun, kung sasabog, sasabog talaga 'yan."
Wala pa namang opisyal na ban ng mga Pilipinong nais magtrabaho sa Lebanon at Iran ngunit may polisiya raw muna ngayon ang Philippine Overseas Employment Administration na huwag mag-deploy ng OFW doon.