MANILA, Philippines — Nagpaalala ang Philippine Red Cross (PRC) sa publiko na manatiling hydrated at huwag magyapak sa kasagsagan ng prusisyon ng Itim na Nazareno.
Ayon kay Senador at PRC Chairman Richard Gordon, kailangan na tiyakin mismo ng mga deboto na maayos ang kanyang pangangatawan at maaaring manatili sa bahay kung may high blood pressure, sipon, ubo, o lagnat na huwag nang sumama sa prusisyon.
Pinayuhan ni Gordon ang mga deboto na, bago lumahok sa prusisyon, mabuting alamin muna nila ang ruta ng prusisyon at tiyaking handa ang kanilang pangangatawan at isipan bago lumahok.
Dapat ding ipaalam ng mga deboto sa kanilang mga kapamilya na lalahok sila sa prusisyon at kung may iba pa silang pupuntahan.
Paalala pa ng PRC, hindi na dapat pang lumahok sa prusisyon ang mga buntis at may sakit dahil posibleng malagay lamang sila sa alanganin.
Kung hindi mapipigilang lumahok ang mga may sakit sa prusisyon ay dapat magdala sila ng kanilang gamot.
Hindi rin dapat na magdala ng mga sanggol o magsama ng mga bata at matatanda sa mga lugar na malapit sa ruta ng Traslacion.
Mas maganda kung magdadala ng identification cards (ID) at mga dokumentong nagsasaad ng medical information at emergency contact numbers ang isang deboto.
Dapat din umanong tiyakin ng deboto na nakakain sila bago makiisa sa prusisyon at magdala ng tubig at mga biskuwit at kendi upang makaiwas sa gutom at dehydration.