MANILA, Philippines — Itinaas na ang Alert Level 4 ng Embahada ng Pilipinas sa Baghdad, Iraq kasunod ng papatinding tensyon na nangyayari sa roon kaugnay ng away ng Estados Unidos at Iran.
Ito ang inanunsyo ng mga opisyal ng Pilipinas doon sa Gitnang Silangan sa isang Facebook live, Miyerkules (oras sa Maynila).
"Ang marching orders po sa amin eh mandatory repatriation," sabi ni Jomar Sadie, chargé d'affaires ng embahada sa Iraq.
Ayon sa Department of Affairs, nangangahulugan ang Alert Level 4 ng:
- pagpapalikas o sapilitang pagpapauwi ng Pilipinas
- inilalabas tuwing may malawakang kagulugan o "full-blown external attack"
- pagpapayo ng ibayong pag-iingat sa mga biyahero bago umalis at habang bumabiyahe
Ito ang pinakamataas sa mga crisis alert levels ng DFA.
"Noong pong nakalipas na 24 oras, inatasan na po ng ating mahal na Pangulong Duterte ang iba't ibang ehensya ng pamahalaan ng Pilipinas, kasama na po ang Embahada ng Pilipinas sa Iraq, para ilikas ang mga Pilipino dito sa bansa," ayon kay Sadie.
KAUGNAY NA BALITA: Duterte kakampi sa US vs Iran-Iran kung 'saktan ang mga Pinoy sa tensyon'
Paliwanag ng opisyal, kakailanganin pa rin ang exit at visa at ticket upang makalabas ng Iraq dahil "normal procedure" pa rin ang susundin.
Para sa mga overseas Filipino workers na employed, may kontrata at visa, sinabi ng embahada na ang employer ang may tungkulin na kumuha ng exit visa para sa kanila.
Employer din daw ang dapat na sumagot sa ticket ng mga nagtratrabaho roon upang makauwi.
"Ngayon po, kung kayo po ay walang employer, makipag-ugnayan po kayo sa amin. Tumawag po kayo sa mga numerong [07816066822 at 07516167838]," wika pa ni Sadie.
Maaari ring tawagan ang mga nasabing numero o magtungo mismo sa Philippine Embassy sa Baghdad ang mga biktima ng human trafficking na nais makauwi ng Pilipinas.
Para sa mga ayaw pauwiin ng employer, maaari rin daw tawagan ang embassy upang sila na mismo ang kumausap sa kanila.
Missile attack sa Iraq-based US troops
Inilabas ng Philippine Embassy doon ang anunsyo kasabay ng paglulunsad ng missile attack ng Iran sa Ain al-Asad airbase ng Iraq na pinagbabasehan ng mga tropang Amerikano.
Ayon sa Iranian state media, nagpakawala ng missiles ang gobyerno ng Iran bilang tugon sa US strike na pumatay sa kanilang heneral na si Qasem Soleimani at Iraqi commander na si Abu Mahdi al-Muhandis.
Nagbanta rin ang Iran, sa pamamagitan ng Iranian state media, na maglulunsad pa sila ng mga karagdagang "crushing responses" kung ipagpapatuloy ng Washington ang pag-atake.
Una nang sinabi ng Pentagon na ipinapatay ni US President Donald Trump si Soleimani matapos ang pagsugod ng ilang "pro-Iran" na grupo sa isa nilang embahada.