MANILA, Philippines — Inilinaw ng Malacañang na hindi sila magdadalawang-isip na pumanig sa Estados Unidos oras na madamay ang mga Pilipino sa pagtindi ng iringan nila sa bansang Iran at Iraq.
Biyernes nang ipapatay ni US President Donald Trump ang Iranian commander na si Qasem Soleimani sa Baghdad, Iraq gamit missiles matapos diumano atakihin ng isang pro-Iran mob ang Embahada ng Amerika.
Sabi ni presidential spokesperson Salvador Panelo, ito ang inilahad ni Pangulong Rodrigo Duterte sa nangyaring pulong ng Gabinete kagabi.
"Hindi tayo magiging neutral. Napakaespisipiko ng presidente sa pagsabing kung nasaktan ang mga Pilipino, kakampi siya sa mga Amerikano," sabi ni Panelo sa Ingles sa magkahalong Inggles at Filipino, Martes.
"Hindi kung masaktan. Kung sasaktan nila. Kumbaga intentional ang gagawin mo."
Sabi pa ni Panelo, hindi naman daw ito nangangahulugan na nagbago na ang foreign policy ng bansa.
Paliwanag din ng Palasyo, hindi rin naman nagbabanta si Duterte sa Iran.
"Hindi siya warning. Friendly caution lang. Sinasabi lang niya ang pagkabahala niya para sa kaligtasan ng kanyang mga kababayan," dagdag ng tagapagsalita ni Digong.
"Kumbaga ang sinasabi niya, hindi kasama diyan ah. 'Wag niyo kaming isama diyan.'"
Kaugnay ng mga kaganapan, inatasan na raw si Presidential Adviser on Overseas Filipino Workers Abdullah Mama-O na magtungo sa Iran at Iraq para magpadala ng mensahe ng Pilipinas.
Una nang tinipon ng pangulo ang security sector para maghanda ng contigency measures sa pagsisiguro ng kaligtasan ng mga Pinoy sa rehiyon.
Pinaghahanda na rin niya ang gobyerno pagdating sa pagpapalikas ng mga Pilipino sa Middle East kung sakaling tumindi pa ang away ng mga bansa.
Binatikos na ng ilang progresibong grupo ang assasination ng Iranian general at sinabing ginagamit lang ito ni Trump para mailayo ang atensyon sa kanyang impeachment proceedings at para manalo sa paparating na November 2020 elections.
Paano kung US ang makasakit?
Samantala, hindi naman nasagot nang maayos ni Panelo kung kakampihan naman ni Duterte ang Iran o Iraq oras na makapatay ng mga Pilipino ang US airstrikes sa Gitnang Silangan.
"Iba naman 'yon. Kung aksidente... Kasi, 'di ba, dapat kaibigan tayo ng mga Amerikano. Kaya 'yung mga kaaway baka atakihin din hindi lang ang mga Amerikano pero pati mga kakampi nila," dagdag niya.
Aniya, ayaw muna niyang pangunahan ang presidente sa ngayon.
Ayaw pa rin naman maglabas ng statement ng Palasyo kung "act of agression" ang ginawa ng US sa Iran: "Laban 'yan sa pagitan ng mga Amerikano at mga Iranian."
AFP sa Gitnang Silangan?
Hindi pa naman masabi sa ngayon ni Panelo kung magpapadala ang Pilipinas ng mga sundalo sa Iran o Iraq oras na sumabog ang mas matinding away.
Kasalukuyan kasing umiiral ang Mutual Defense Treaty sa pagitan ng Pilipinas at Amerika, na nagsasabing magtutulungan ang dalawang bansa para mapahusay ang kanilang kapasidad na lumaban sa armadong pag-atake.
"Wala ako noong nagpatawag ng meeting ang presidente noong isang araw. Baka napag-usapan nila 'yon, hindi ko alam," wika ni Panelo.
Hindi naman daw nabanggit ang pagpapadala ng tropang Pilipino sa Iran o Iraq kagabi.
"Depende kung susundin ang mga probisyon ng kasunduan, pero kung ganoon, [batay sa pangangailangan], ipatutupad 'yon," sabi niya.