MANILA, Philippines — Umalerto na ang Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines at pinalakas rin ang intelligence monitoring laban sa mga lokal na teroristang grupo na posibleng magsagawa ng sympathy attacks kaugnay ng pagkamatay ng Iranian top Commander Major General Qassem Soleimani sa air strike operations ng Estados Unidos sa Baghdad, Iraq noong nakalipas na linggo.
Ayon kay AFP Chief of Staff Lt. Gen. Felimon Santos Jr., ang pagkamatay ni Soleimani sa airstrike ng US ay iniulat ng defense attaché ng militar sa nasabing bansa na ipinag-utos ang pagpapalakas ng intelligence monitoring sa mga lokal na teroristang grupo na maaring makisimpatiya sa Iran.
Sa kabila nito, sinabi ni Santos na walang namomonitor ang AFP na anumang aksyon ng mga teroristang grupo partikular na ang mga nakipag-alyansa sa Islamic State of Iraq and Syria (ISIS).
Inihayag naman ni PNP Officer –in-Charge Police Lt. Gen. Archie Gamboa na inutos na niya ang profiling ng mga grupong sympathizers ng Iraq na maaring magsagawa ng ganting pag-atake.
Samantala, nakahanda na ang mga air at naval assets ng Armed Forces of the Philippines para sa paglilikas ng tinatayang 7,600 Pinoy sa Iran at Iraq kaugnay ng posibleng pagsiklab ng kaguluhan sa Middle East.
Ito ang inihayag kahapon ni Defense Secretary Delfin Lorenzana matapos itong ipatawag ni Pangulong Rodrigo Duterte kasama ang mga opisyal ng AFP at ng Philippine National Police (PNP) kaugnay ng posibleng pagsiklab ng krisis doon.
“Tanging adyenda ay kung paano matitiyak ang kaligtasan ng ating mga kababayan sa Middle East lalo na sa Iraq at Iran habang umiinit ang tension sa United States at Iran,” pahayag ni Lorenzana.
Nasa 1.2 milyon ang bilang ng mga Pilipino sa Middle East kung saan prayoridad munang ilikas ang mga Pinoy sa Iran at Iraq.
Sa tala, nasa 1,600 ang mga Pinoy sa Iran at 6,000 naman sa Iraq na karamihan ay mga Overseas Filipino Worker (OFW).