MANILA, Philippines — Isiniwalat ni Bise Presidente Leni Robredo na kakarampot lang ang bilang ng drogang nasabat ng otoridad mula 2017 hanggang 2019 habang tumatakbo ang madugong "war on drugs" ni Pangulong Rodrigo Duterte.
"Uulitin ko, hanggang 1% lang ng kabuuang suplay ng shabu ang nakuha ng [Philippine Drug Enforcement Agency] noong nakaraang tatlong taon," sabi ni Robredo sa isang talumpati, Lunes.
Ang pasabog ay bahagi ng ulat ng dating co-chair ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs, na isiniwalat na niya dapat noong Disyembre ngunit ipinagpaliban dahil sa nangyaring lindol sa Daval del Sur.
Sa 18 araw na panunungkulan niya bilang co-chair ng ICAD, natuklasan daw ni Robredo na walang datos ang PDEA tungkol sa dami ng droga na umiikot sa buong Pilipinas.
"Pero ayon sa pinuno ng Drug Enforcement Group ng [Philippine National Police], tatlong tonelada o tatlong libong kilo ng shabu ang nauubos ng mga adik sa buong bansa bawat linggo," dagdag niya.
"Ang ibig sabihin nito, 156,000 kilo ang nagagamit kada taon."
Sa kabila ng nasabing bilang, sinabi raw ng PDEA na 1,053 kilong shabu lang ang kanilang nasamsam noong 2017 habang nasa 785 kilo lang daw ito noong 2018.
"[M]ula Enero hanggang Oktubre 2019, nasa 1,344 kilong shabu lang ang nakuha nila. 1% lang ito ng kabuuang konsumo a buong bansa," wika pa ng ikalawang pangulo.
Sa taya ng kapulisan, nagkakahalaga aniya ng P25 bilyon ang 3,000 kilong shabu.
Kung pagbabasehan ito, pumapatak ng hanggang P1.3 trilyon ang halaga ng shabu na umiikot sa Pilipinas taun-taon.
Pero sa mga opisyal na datos, sinabi ni VP Leni na P1.4 bilyon lamang ang halagang naipit ng Anti-Money Laundering Council mula sa iligal na droga mula 2017 hanggang 2018: "Wala pang 1% sa umiikot na pera mula sa drug trade."
"Malinaw na malinaw, na ayon mismo sa opisyal na datos, sa kabila ng lahat ng Pilipinong pinatay, at lahat ng perang ginasta, hindi lumampas sa 1% ang naipit natin sa suplay ng shabu at sa perang kinita mula sa droga. 1%," wika pa niya.
"Isipin na lang natin, kung exam ito, ang magiging score ng ating pamahalaan ay 1 over 100."
Ilang araw pa lang namamalagi sa pwesto si Robredo bilang co-chair ng ICAD nang sisantehin siya ni Digong bago magtapos ang 2019 dahil sa diumano'y paggamit ng naturang plataporma para birahin ang administrasyon.
Inirekomenda rin niya na baguhin na ng gobyerno ang stratehiya nito at tigilan na ang isinasagawang "Oplan Tokhang."
Noong Agosto 2019, sinabi ng PNP na nasa 6,847 na ang napapatay kaugnay ng iligal na droga, malayo sa 27,000 na sinabi ng Commission on Human Rights noong Disyembre 2018.
Lumalang problema sa droga?
Pinuna rin ni Robredo ang diumano'y "kalat-kalat" na datos ng pamahalaan pagdating sa totoong bilang ng mga gumagamit ng droga sa bansa.
Kung titignan ang 2015 Nationwide Survey on the Nature and Extent of Drug Abuse in the Philippines, na numerong pinagsimulaan ng gobyerno, sinasabing nasa 1.8 milyon ang gumagamit ng iligal na droga.
Pero malayo ang bilang na 'yan kung ikukumpara sa drug users na binanggit ni Duterte noong Pebrero 2019.
"Merong pito hanggang walong milyong Pilipinong naging alipin na ng shabu. Pito hanggang walong milyong nawalang kaluluwa," sabi ng presidente sa isang PDP-Laban campaign sa Laguna sa Inggles.
Dahil diyan, kwinekwestyon tuloy ngayon ni Robredo kung totoong matagumpay ang pagsugpo ni Duterte sa droga, gayong tila lumaki pa ang mga numero.
"Dito pa lang, dapat matigilan na tayo. Kung dumami hanggang walong milyon ang gumagamit ng iligal na droga mula sa dating 1.8 milyon, hindi ba mas lumala pa ang problema natin?" dagdag niya.
Nang tanungin daw niya ang mga miyembro ng ICAD, sinabi raw na hindi nila ginagamit ang pigurang ibinigay ng presidente, at sa halip, ginagamit ang bilang na 4 milyon, na "extrapolation" daw mula sa mga sumuko at inaresto.
Paliwanag pa ni Robredo, sinabi rin daw ni PDEA Director General Aaron Aquino na "walang scientific basis" kahit ang bilang na 4 milyon, 'yan ay kahit sinabi ni PDEA spokesperson Derrick Carreon na "conservative estimate" pa ang 4 million count.
Nasa 1.2 milyon na raw ang sumuko noong 2016 habang 300,000 naman ang naaresto sa mga police operations, o 1.5 milyon sumatutal.
"Kung gagamitin natin ang 4 milyon na estimate at 1.5 milyon pa lang ang accounted for, nasaan ang 2.5 milyon?" tanong niya.
'DDB imbis na PDEA bilang ICAD chair'
Bukod sa pagbasura sa Tokhang, inirekomenda rin ng dating ICAD chair na Dangerous Drugs Board na ang mamuno sa nasabing konseho.
Mas may kakayahan daw ang DDB na magplano ng pangkalahatang mga programa, kung saan "mababalanse" raw ang kampanya.
"Sa pamamagitan sana ng ICAD, matutugunan ang lahat ng aspeto ng laban, mula sa enforcement, adbokasiya, hustisiya, rehabilitasyon hanggang re-integrasyon," sabi pa niya.
"Ngunit, taliwas ito sa nangyayari. Ibiniuhos ng pamahalaan ang atensyon at budget sa panghuhuli sa maliliit na nagtutulak sa mga kanto-kanto. Napabayaan tuloy ang ibang aspeto ng kampanya."
Sa kasalukuyan, ang PDEA ang tumatayong chair ng ICAD.