MANILA, Philippines — Kinukuwestiyon ni ACT-CIS Partylist Rep. Eric Yap ang umano’y maliit na refund bilang penalty sa malaking violation ng Grab.
Ayon kay Yap, hindi makatwiran ang ipinataw na refund dahil napakaliit nito kumpara sa kanilang sunud-sunod na violation.
“Buti sana kung sa drivers napupunta ang sobra-sobrang singil nila,” sabi ni Yap.
Sinabi ng bagitong mambabatas, hindi puwedeng sa bawat violation ng Grab ay refund na lang ang gagawing parusa at hindi lang isang beses nangyari na nagpataw sila ng mataas na pasahe sa kanilang mga pasahero.
“Unfair at unjustified pricing ang ginagawa ng Grab. Sinasabi na mataas ang demand at kulang ang drivers sa area kaya napakataas ng presyo nila. Dapat ay magkaroon ng cap,” pahayag ni Yap.
Anang mambabatas, nagmamalaki pa ang Grab na kung hindi kaya ng kanilang kostumer na magbayad ay huwag magpa-book sa kanila.
Minsan na rin sumubok na magpa-book sa Grab si Cong. Yap, pero na-cancel kaya nagpa-book ulit ito pero doble na umano ang sinisingil sa kanya.