MANILA, Philippines — Umakyat na sa 357 ang bilang ng mga nabiktima ng paputok sa pagsalubong sa Bagong Taon.
Sa Fireworks-Related Injuries (FWRI) ng DOH, mula alas 6:00 ng umaga ng Enero 3 hanggang 5:59 ng umaga ng Enero 4 ay naitala ang karagdagang 23 bagong kaso.
Nasa 334 lamang ang naitalang kaso sa kahalintulad na petsa ng nakaraang taon, ngunit mas mababa ng 49% kumpara sa five-year average (2014-2018) na 694 kaso sa kahalintulad na panahon.
Kabilang umano rito ang 356 na nasugatan sa paputok at isang nakalunok ng paputok.
Wala pa rin namang naitatalang nasugatan sa ligaw na bala at wala pa ring iniulat na namatay.
Karamihan umano sa mga nasugatan ay mula sa National Capital Region (NCR) na may 171 kaso; sumunod ang Region 6 na may 39 kaso; Region 1, 31; Calabarzon, 25; at Region 3, 23 kaso.
Sa NCR, pinakamaraming nasugatan sa Maynila (52); Quezon City (37); Caloocan (12); Las Piñas (11); at Mandaluyong (11).
Pinakabatang nabiktima ay 11 buwang gulang habang pinakamatanda ay 77 taong gulang.
Pinakamarami pa ring nabiktima ang legal na paputok na kwitis, sumunod ang Luces, Fountain, Picollo at 5-star.