MANILA, Philippines — Aangkat ang Pilipinas ng may 35,000 metriko tonelada ng pulang sibuyas sa China.
Ito ayon kay Agriculture Secretary William Dar ay upang punan ang pangangailangan ng bansa sa pulang sibuyas na may mababang produksiyon sa ngayon.
Anya, isa ang China na pagmumulan ng imported red onions.
Ang importasyon ng pulang sibuyas ay hanggang kalagitnaan lamang ng Pebrero dahil inaasahan na ang pag-ani ng mga onion farmers sa pulang sibuyas sa buwan ng Marso.
Sinabi ni Dar na gagamit na ng makabagong teknolohiya ang ahensiya upang matulungan ang mga onion growers na maparami ang produksiyon.
Sinasabing mas marami ang yellow variety ng sibuyas sa mga pamilihan dahil sa anihan ngayong Enero at ang pulang sibuyas ay sa Marso pa aanihin.
Dahil kakaunti ang suplay, umaabot ngayon sa P250 ang kilo ng pulang sibuyas na halos doble ang presyo sa dilaw na sibuyas.
Mas malasa ang pulang sibuyas kayat mas gusto itong sahog ng maraming Pinoy sa kanilang lutuin.