'Magkaso kung may reklamo' — Bayan Muna sa pagpapabenta ni Duterte sa ABS-CBN
MANILA, Philippines — Kaysa "takutin" ang ABS-CBN, inudyok ng isang progresibong grupo si Pangulong Rodrigo Duterte na maghain na lang ng pormal na kaso laban sa media giant.
Ito ang payo ni Bayan Muna Rep. Ferdinand Gaite, Martes, matapos ang pinakahuling hamon ni Digong sa may-ari ng kumpanya na ibenta na lang ang istasyon: "Kung ako sa inyo ipagbili niyo na 'yan. Kasi ang mga Filipino ngayon lang makaganti sa inyong kalokohan."
"Kung may problema talaga si Duterte laban sa network, sampahan niya ng kaso ang ABS-CBN kaysa busalan ang kalayaan sa pamamahayag at [bantaan ang] trabaho ng halos 7,000 empleyado," sabi ni Gate sa Inggles.
Hindi lingid sa kaalaman ng marami ang kiskisan sa pagitan ni Duterte at ng "Dos," simula nang hindi raw isa-ere ng kumpanya ang kanyang mga patalastas noong siya'y nangangampanya pa sa pagkapresidente noong 2016.
Dahil dito, makailang beses nang sinabi ni Duterte na hindi siya pabor na ma-renew ang prangkisa ng himpilan, na nakatakdang mapaso sa ika-30 ng Marso, 2020.
Binanggit na rin noon ng Human Rights Watch na maaaring may kinalaman ang kritikal na pagbabalita ng ABS-CBN sa madugong gera kontra droga sa dinadanas na panggigipit ni Duterte.
"Dapat magkaroon ng pagdinig ang Kongreso tungkol sa prangkisa ng ABS-CBN ngayong Enero at bigyan sila ng 'fair shake,'" dadag ni Gaite.
"Kung hindi, mailalantad lang bilang kalokohan ang separation of powers ng ehekutibo at lehislatura. Matatawag uling rubbertamp ng Malacañang ang Konggreso."
Nasa limang panukalang batas ang nakahain ngayon sa Kamara patungkol sa franchise.
Una nang ipinangako ni House Speaker Alan Peter Cayetano na magiging patas sila sa pagdinig ng mga nasabing bills.
Kahit lumusot man ito sa mga mambabatas, may kapangyarihan si Duterte na i-veto ito.
Kaibigan ni Duterte interesado sa TV station?
Samantala, inilutang naman ni Gaite na maaaring ginagawa ni Duterte ang panibagong pananakot dahil interesado raw ang kaibigan niya sa naturang istasyon.
"'Yung sinabi niyang dapat na lang ibenta ng pamilya Lopez ang kumpanya, nakapagtataka. Dahil ang lumalabas, interesado ang malapit niyang kaibigan sa kumpanya katulad ng nangyayari sa mga water concessionaires," sabi pa ng Bayan Muna.
"Nag-aastang 'kontra-oligarko' si Duterte pero sa totoo, ibang oligarko lang ang sinusuportahan niya."
Nitong ika-10 ng Disyembre, naibalita na nais mag-expand ng Davao-based businessman na si Dennis Uy sa media at entertainment business.
Kilala si Uy bilang malapit na kaibigan ni Duterte.
"Layunin ng Udenna Communications Media and Entertainment Holdings Corp. na maging parent entity na may hawak sa shares ng Udenna Group sa telecommunications, media at entertainment businesses," sabi ng ISM Communications Inc., na hawak din ni Uy.
- Latest