Mga ospital handa na sa pagsalubong sa Bagong Taon
MANILA, Philippines — Handang-handa na ang mga ospital sa bansa sa posibleng pagdagsa ng mga magiging biktima ng mga paputok kasabay ng pagsalubong sa Bagong Taon.
Ayon sa Department of Health, hindi pinayagan na lumiban ang mga empleyado at doktor sa ospital, lalo na ang mga nakatalaga sa emergency rooms at lahat ng hospital personnel sa buong bansa ay nakaantabay para sa deployment at augmentation kung kakailanganin.
Umaasa ang DOH na bababa ang bilang ng mga biktima ng firecrackers related incident dahil sa pagpapalabas ni Pangulong Rodrigo Duterte ng kautusan sa pagbabawal sa mga malalakas na uri ng paputok.
Sa bagong Fire Works Related Incidents, umaabot na ngayon sa 54 ang mga nabiktima ng paputok sa mga ospital sa bansa, mula 6:00 ng umaga ng Disyembre 21.
Pinakabatang nabiktima ay isang taong gulang na bata habang pinakamatanda ay 71-anyos.
Nauna nang naputulan ng mga daliri ang isang 7-taong gulang na batang lalaki na mula sa General Trias, Cavite City, na pinulot lamang ang isang ‘di natukoy na uri ng paputok, ngunit minalas na pumutok sa kanyang kaliwang kamay. Kasalukuyan pang naka-confine ang bata sa PGH at nagpapagaling.
Pinakamarami pa ring naputukan sa National Capital Region, na may 21 kaso; sumunod ang Regions 1 at 7 tig-6; Regions 2 at 5 at Calabarzon, tig-4; Regions 6 at 12 na may tig-3; at Regions 3, 5 at 11, tig-isang kaso.
Ang mga paputok na pinakamaraming nabiktima ay ang piccolo (8 kaso); boga (6); kwitis (5); at ang 5-star, luces at whistle bomb (tig-4).
- Latest