House probe sa sumusukong NPA giit
MANILA, Philippines — Paiimbestigahan ng Makabayan bloc sa Kamara ang programa ng gobyerno sa mga rebeldeng nagnanais na magbalik-loob sa pamahalaan.
Sinabi Gabriela Rep. Arlene Brosas na sa pagbabalik ng sesyon ng kongreso sa Enero ay paiimbestigahan niya ang umanoy manipulated na litrato ng mga umano’y sumukong rebelde na inilabas ng Philippine Army (PA).
Paliwanag pa ni Brosas, ang Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP) ay kahawig ng “fake rebel and firearms for cash raket” na patuloy na ipinapatupad.
Ang nasabing programa umano ay mayroong P260.4 milyon na pondo ngayong taon at madadagdagan pa ng P106.1 milyon bilang bahagi ng budget ng Department of Interior and Local Government (DILG) sa susunod na taon.
Giit pa ng kongresista, bukod umano sa pineke ang litrato ay maaring peke rin ang sinasabing 306 na sumukong rebelde para pagkakitaan ng mga korap na opisyal ng militar at mga kasabwat na Local government units (LGUs).
Nagtataka din si Brosas kung bakit naglalaan ng milyong pondo ang gobyerno sa E-CLIP kada taon subalit walang nag o-audit dito o nagrerepaso kung paano ito ipinapatupad.
Nauna namang sinabi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na paiimbestigahan niya ang pagkalat ng litrato at mananagot ang may kagagawan nito.
Ginawa ni Brosas ang pahayag makaraang mag-viral kamakailan ang isang litrato ng sinasabing mga miyembro ng NPA na sumuko sa pamahalaan pero lumilitaw na manipulated umano. Humingi ng paumanhin ang 9th Infantry Division ng Philippine Army na nagpalabas ng naturang litrato.
- Latest