DFA at OWWA Rescue Office, bubuksan sa Palayan City
MANILA, Philippines — Inaasahang bubuksan sa Marso ang satellite office ng Department of Foreign Affairs (DFA) at Overseas Worker Welfare Administration (OWWA) Rescue Office sa Palayan City, Nueva Ecija.
Ayon kay Palayan City Mayor Rianne Cuevas, nag-uusap na sila ng mga opisyal ng DFA at OWWA para maglagay ng satellite office sa kanyang probinsiya upang hindi na mahirapan ang kanyang mga kababayan na OFW sa pagkuha at pag-renew ng kanilang pasaporte.
Sinabi ng Alkalde, maging ang mga OFW sa Aurora province at iba pang kalapit na lugar ay maaari ng kumuha ng kanilang passport sa Palayan City at hindi na kailangan pang lumuwas ng Metro Manila sa oras na mabuksan ang mga nabanggit na opisina.
“Nais lang po nating pagaanin ang mga buhay ng ating mga bayaning OFW habang nilalakad nila ang kanilang mga papeles, clearance at kontrata,” anang Alkalde.
Maging ang seaman’s book at iba pang requirement ay maaari ng kunin sa Palayan City “One Stop Business Hub” sa oras na maging ‘full operation’ na ito.
Sa ngayon, anang Alkalde ay inaalam na ng Maritime Industry Authority (MARINA) kung gaano karami ang mga marino sa Nueva Ecija at Aurora para sa kanilang paglalagay ng processing office sa lungsod.
Para naman sa mga maiiwang pamilya ng OFW, maglalagay na rin ang Department of Trade and Industry (DTI) satellite office, maging ang “Go Negosyo” para sa maaaring pagkakakitaan ng mga ito habang nasa abroad ang kanilang kaanak.
Ayon pa kay Mayor Cuevas, libre ang pag-print, xerox, paggamit ng computer at internet sa One Stop Shop Center for OFW (OSSCO) office.
- Latest