Paggamit ng paputok kokontrolin

Sa Senate Bill No. 493 ni Sotto, nais nitong i-institutionalize ang Executive Order 28 na ipinalabas ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Hunyo 2017 na nagbabawal sa mga paputok.
Miguel de Guzman/ File

MANILA, Philippines — Isinulong ni Senate President Vicente Sotto III ang panukalang batas na magkokontrol sa paggamit ng mga paputok sa mga pagdiriwang sa Bagong Taon.

Sa Senate Bill No. 493 ni Sotto, nais nitong i-institutionalize ang Executive Order 28 na ipinalabas ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Hunyo 2017 na nagbabawal sa mga paputok.

Sa panukala niyang Firecracker Ban Act (SB 493), ipinagbabawal ang unsupervised na paggamit ng mga paputok at ibang pyrotechnic devices sa anumang lugar ano man ang okasyon.

Pinapayagan lang ang paggamit ng mga firecracker at/o pyrotechnic devices sa mga itinalagang lugar at kailangang meron itong awtorisasyon ng pamahalaang lokal.

Ang paggamit ng ganitong mga paputok ay kailangang eksklusibong gagawin lang ng mga propesyonal na merong mga technical skill at kaalaman sa paghahanda at pagsisindi ng mga paputok at ibang kahalintulad na devices.

Ang lalabag ay pagmumultahin ng hindi kukulangin sa P10,000 pero hindi hihigit sa P50,000 o pagkakulong na mula anim na buwan hanggang isang taon o maaaring ipataw lahat ito alinsunod sa desisyon ng korte.

Sa pagsasampa ng naturang panukalang batas sa Senado, binanggit ni Sotto ang malaking pagbaba ng bilang ng mga nasugatan at namatay sa pagdiriwang ng bagong taon noong 2018 kasunod ng pagpapalabas ng EO 28.

Dahil sa EO 28, buma­ba nang 80 porsiyento ang mga nadisgrasya kumpara sa five-year average sa firecracker-related injuries sa buong bansa noong Enero 2019.

Bumaba rin nang 68% ang bilang ng mga insidenteng may kaugnayan sa paputok mula Disyembre 21, 2018 hanggang Enero 1, 2019 kumpara sa kahalintulad na panahon ng nauna ritong taon.

“Dahil sa hindi maikakailang tagumpay sa pagpapatupad ng EO 28, nararapat lang na ma-institutionalize ito at magsagawa ng batas para rito,” sabi pa ni Sotto.

Nagbabala rin si Senador Christopher “Bong” Go sa publiko laban sa paggamit ng mga paputok ngayong holiday season sa pagsasabing ang pera na gagastahin dito ay mas nararapat na gamitin sa mas mahahalagang bagay.

Mas mabuti anya kung ang pera para sa paputok ay ipambili na lang ng noche buena kaysa maputulan ng mga daliri.

Show comments