MANILA, Philippines — Nagbanta sina Bayan Muna Reps. Carlos Zarate at Ferdinand Gaite sa publiko na posibleng salubungin ang bagong taon ng taas presyo sa mga pangunahing bilihin sa bagong taon.
Ayon kay Zarate at Gaite, ito ay bunsod sa ikatlong bugso ng excise tax sa langis sa ilalim ng TRAIN Law.
Sabi ni Zarate, mismong ang Department of Energy (DOE) na ang nagsasabi sa mga kumpanya ng langis na gamitin muna ang mga luma nilang stocks bago ipatupad ang dagdag na buwis sa produktong petrolyo.
Subalit dahil hindi umano nabubusisi ang presyuhan ng oil products, kaya walang kasiguruhan na hindi pa ipapasa ng oil companies ang bagong excise taxes.
Naniniwala naman si Gaite na mababalewala ang mababang inflation ngayong 2019 sa sandaling sumipa ang presyo ng langis sa world market.
Sa ilalim ng nasabing batas, tataas ang presyo ng diesel ng P1.50 kada litro at piso sa gasolina, kerosene at LPG.