Matapos ang 11 patay, publiko pinaghihinay ng Palasyo sa 'lambanog'

MANILA, Philippines — Ikinalungkot ng Malacañang ngayong Lunes ang ulat ng kabila't kanang casualty na naitala sa Laguna at Quezon dulot ng pag-inom ng "lambanog."
Sa ulat ng DZMM ngayong araw, sinabing 11 na ang namamatay sa nasabing nakalalasing na alak.
Ngayong Lunes, kinumpirma ng Philippine General Hospital na meron silang 68 na pasyente kaugnay ng insidente.
Kasunod ng insidente, pansamantala munang ipinagbawal ni Laguna Gov. Ramil Hernandez noong Linggo ang pagbebenta at pagbili ng lambanog.
"Ikinaaalarma ng Palasyo ang mga kaso ng lambanog poisoning sa Laguna at Quezon," sabi ni presidential spokesperson Salvador Panelo sa isang pahayag sa Inggles.
"Pinaaalalahanan namin ang publiko na laging tignan ang binibiling alak, o anumang produktong kanilang kinokonsumo, kung rehistrado't aprubado ng Food and Drug Administration."
Kinumpirma din ng PGH na methanol poisoning ang dinanas ng mga nabanggit.
Isa sa mga pasyente ang kasalukuyang nasa intensive care unit at sumasailalim sa dialysis upang matanggal ang asido sa kanyang dugo.
Dalawa na lang din ang nananatili sa emergency room sa ngayon.
"Hinihingi ng kahinahunan na lagi tayong maging maingat sa kung ano ang ating iinumin, lalo na ngayong panahon ng pagdiriwang," kanyang panapos.
- Latest