MANILA, Philippines — Kabilang sa ‘hitlist’ ng New People’s Army (NPA) sina Pangulong Rodrigo Duterte at National Security Adviser Hermogenes Esperon.
Kinumpirma ito ni Presidential Security Group (PSG) chief B/Gen. Jose Niembra, pero sinabing hindi na bago na nasa listahan ng papatayin ng NPA si Pangulong Duterte.
Magdiriwang ng ika-51 founding anniversary ang Communist Party of the Philippines (CPP) sa darating na Disyembre 26 at inaasahang maglulunsad ito ng opensiba.
Ayon kay Niembra, matagal na silang nakakatanggap ng banta laban sa Pangulo at hindi nila ito binabalewala.
Sa katunayan, halos araw-araw ng kada taon ay pinagbabantaan ang buhay ng Pangulo at hindi lamang mula sa NPA, kundi mula sa iba pang armadong grupo kasama na rin ang iba’t ibang sindikato.
Tiniyak naman ng PSG chief na ginagawa nila ang lahat para maibigay ang sapat na seguridad para sa Pangulo.
Idinagdag pa ni Niembra, trabaho ng PSG na ibigay ang lahat ng kailangang seguridad sa Pangulo, kahit kung minsan ay hindi ito sumusunod sa kanilang security protocols.
Pero ayon kay Niembra ay minsan naman ay sumusunod din sa kanila ang Pangulo at ang kailangan lamang ay mapaliwanagan nang maayos ang Chief Executive.