MANILA, Philippines — Inamin ng militar na kulang na kulang ang puwersa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sakaling kailanganin na ipagtanggol ang bansa mula sa kaaway na gustong sumakop sa Pilipinas.
Ayon kay B/Gen. Royland Orquia ng AFP, nasa 145,000 lamang ang buong puwersa ng AFP at kulang ito upang ipagtanggol ang bansa mula sa gustong manakop kaya nais nilang ibalik ang mandatory ROTC.
Siniguro naman ni Gen. Orquia na naglatag na ng mga bagong patakaran ang AFP lalo sa pagpili ng magiging commandant ng mga ROTC cadets upang hindi na maulit ang pag-abuso sa mga kadete.
Aniya, hindi katulad sa South Korea kung saan ay mayroong mandatory na 3 years military service ang kanilang mamamayan upang ihanda sila bilang sundalo ng kanilang bansa sakaling kailanganin ang kanilang serbisyo upang ipagtanggol ang kanilang bayan.
Magsasagawa ng 1st Presidential silent drill competition sa darating na Disyembre 20 sa Quirino grandstand sa Manila na itinaguyod ng Presidential Management Staff, Presidential Security Group at AFP Reservist and Retiree Affairs.
Layunin ng kompetisyon na isulong ang adbokasiya ni Pangulong Duterte na palakasin muli ang ROTC.