Pagbawi ng karagdagang P200-B 'nakaw na yaman' ng mga Marcos ibinasura
MANILA, Philippines — Sa isa pang pagkakataon, ibinasura ng korte ang panibagong kaso ng diumano'y ill-gotten wealth sa pamilya ng dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Inihain noong 1987, layon ng reklamo na mabawi kina dating first lady Imedla Marcos, mga anak na sina Imee, Bongbong at Irene ang P200 bilyong halaga ng yaman na diumano'y iligal na kinamal noong batas militar.
Ang desisyon ay nilagdaan nina Fourth Division chair Associate Justice Alex Quiroz at may pagsang-ayon nina Associate Justices Maria Theresa Mendoza-Arcega at Maryann Corpus-Mañalac.
LOOK: Dispositive portion of the Sandiganbayan decision dismissing the forfeiture case vs the Marcoses. The decision was penned by 4th Div. chair Assoc Justice Alex Quiroz w/ the concurrence of Assoc Justices Maria Theresa Mendoza-Arcega & Maryann Corpus-Mañalac. @PhilippineStar pic.twitter.com/B8ZW7FOBiA
— Elizabeth T. Marcelo (@marcelo_beth) December 16, 2019
Ayon sa Sandiganbayan Fourth Division, sadyang hindi raw sapat ang ebidensyang inilatag ng Presidential Commission on Good Government.
Kabilang sa mga itinuturo ng PCGG bilang kwestyonableng ari-arian ay ang:
- P976-milyong deposito sa Security Bank and Trust
- P711-milyong deposito sa Traders Royal Bank
- 33 "parcels" ng residential properties na nagkakahalaga ng P18 milyon
- 21,700 ektaryang lupang agrikultural sa Leyte na nagkakahalaga ng P33 milyon
- shares sa stocks sa Philippine Long Distance Telephone Company na nagkakahalaga ng P1.6 bilyon
- ilan pang deposito sa iba't ibang bangko sa Estados Unidos na nagkakahalaga ng $292 milyon
- pamumuhunan sa mga "financiao houses, industrial at mining corporations sa Amerika na nagkakahalaga ng $98 milyon
- ari-ariang 'di tinukoy ang halaga sa Manhattan, Long Island at Fifth Ave. sa New York
- penthouse sa London
- at ilang kabahayan sa Hawaii, California at Mississippi
Bagama't kinikilala ng Sandigabayan ang mga "kalupitan" at "pandarambong" ng kaban ng bayan sa ilalim ng Martial Law ni Marcos, sadyang hindi raw sapat ang ebidensya upang mapatunayan ang nasabing reklamo.
"However, absent sufficient evidence that may lead to the conclusion that the subject properties were indeed ill-gotten by the Marcoses, the Court cannot simply order the return of the same to the national treatury," sabi ng desisyon.
"WHEREFORE, premises considered, for failure of the plaintiff to prove its allegations by preponderance of evidence, the subject Complaint filed aginst defendants Estate of Ferdinand E. Marcos, Imelda R. Marcos, Imelda R. Marcos Manotoc, Irene R. marcos Araneta, Ferdinand R. Marcos Jr., and Constante Rubio is hereby DISMISSED."
Ngayong taon, ilang kaso na rin ng diumano'y nakaw na yaman laban sa pamilya ng dating diktador ang ibinasura ng Sandiganbayan, kabilang ang P102 bilyong civil forfeiture case noong Agosto at P267 milyong civil case nitong Oktubre.
Ang Pangulong Rodrigo Duterte, na kilalang kaalyado ng pamilya Marcos, ang siyang may kapangyarihang magtalaga ng isang presiding justice at 14 associate justices sa Sandiganbayan. — may mga ulat mula kay The STAR/Elizabeth Marcelo
- Latest