MANILA, Philippines — Apat katao ang nasawi habang nasa 50 ang iniulat na nasugatan matapos ang magnitude 6.9 na lindol na yumanig sa Davao del Sur, Mindanao kahapon.
Kabilang sa nasawi ang isang anim na taong gulang na batang babae na nadaganan ang ulo matapos gumuho ang pader ng kanilang bahay sa Matanao, Davao del Sur.
Habang tatlo naman ang patay nang gumuho ang tatlong palapag na Southern trade grocery store na matatagpuan sa Padada, Davao del Sur.
Ayon kay Davao del Sur Gov. Douglas Cagas, hindi pa nila madetermina kung mayroon pang mga taong na-trap sa nasabing building.
Sa ngayon ay hindi pa nila ma-assess ang lawak ng damage sa kanila, bagamat may mga ulat na nasirang mga tulay, mga building at mga eskwelahan.
Nagdeklara na rin si Cagas na walang pasok sa mga paaralan sa kanilang lugar matapos ang malakas na lindol, dahil sunud-sunod pa rin ang malalakas na aftershocks ang nararamdaman doon.
Ayon kay Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) Undersecretary Renato Solidum, dakong alas-2:11 ng hapon ng maramdaman ang lindol na tectonic ang origin at ang epicenter ay sa 6 kilometer west ng Padada town at may lalim na 30 kilometers.
Nakapagtala ng Intensity VII sa Matanao & Magsaysay, Davao del Sur; Intensity VI - Kidapawan City; General Santos City; Bansalan, Davao del Sur; Alabel & Malapatan, Sarangani; Koronadal City Intensity V - Tulunan & Matalam, Cotabato; Cotabato City; Davao City; Glan, Sarangani; Intensity III - Kalilangan, Talakag & Dangcagan, Bukidnon.
Intensity II - Impasugong, Bukidnon; Cagayan de Oro City; Dipolog City. Intensity I - Zamboanga del Sur.
Hindi naman masabi ni Solidum kung ito na ang pinaka malakas na lindol na naranasan sa Mindanao.
Wala namang inilabas na tsunami warning ang Phivolcs sa mga nasabing lugar.
Nauna na rin niyanig ng magnitude 6.6 ang Davao nong Oktubre 29; Magnitude 6.3, Oktubre 16 at Oktubre 31, Magnitude 6.5 na lindol ang Davao.
Sa pinakahuling ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) noong Nobyembre 3 ay umabot sa 22 ang namatay sa nasabing mga paglindol.