MANILA, Philippines — Ipinagtanggol ni House Committee on Constitutional Amendments chairman Rufus Rodriguez ang pag-apruba ng komite sa Charter Change o ChaCha habang naka executive session.
Ayon kay Rodriguez, hindi itinago ng liderato ng Kamara at ng komite ang pag-apruba sa panukala para sa pag-amyenda ng 1987 Constitution.
Bilang patunay umano ay present ang anim na miyembro ng MAKABAYAN bloc nang ipasa nila sa committee level ang naturang panukala.
Wala rin umanong dapat na ilihim dahil dumaan naman sa masusing pagbusisi at konsultasyon ng mga stakeholders ang ChaCha.
Siniguro naman ni Rodriguez na magiging bukas ang deliberasyon sa ChaCha sa oras na isalang at isponsoran na ito sa plenaryo ng Kamara sa susunod na linggo.
Sa ilalim ng konstitusyon, kailangan ng 3/4 na hiwalay na boto ng dalawang kongreso para maipasa at maisalang ang ChaCha sa plebesito.