Manila Water, Maynilad ‘di na sisingil ng P10.8 bilyon

Sa pagdinig ng House Committee on Good Government and Public Accountability, sinabi ni Manila Water president at CEO Jose Almendras at Maynilad president at CEO Ramoncito Fernandez, na hindi na nila isusulong ang pagkaka­panalo mula sa korte ng Singapore.
The Star/File

MANILA, Philippines — Hindi na sisingilin ng Manila Water at Maynilad ang gobyerno ng kabuuang P10.8 bilyon bilang kabayaran kaugnay sa utos ng

Permanent Court of Arbitration ng Singapore.

Sa pagdinig ng House Committee on Good Government and Public Accountability, sinabi ni Manila Water president at CEO Jose Almendras at Maynilad

president at CEO Ramoncito Fernandez, na hindi na nila isusulong ang pagkaka­panalo mula sa korte ng Singapore.

Handa rin umano silang makipagtulu­ngan sa pamahalaan sa posibleng pagbabago sa kanilang concession agreements.

“Tumutugon kami sa utos ng Pangulong Rodrigo Roa Duterte na muling pag-aralan at pag-usapan ang ilang mga probisyon ng concession agreement,”

sabi ni Almendras.

Una nang inutusan ng PCA ang gobyerno na bayaran ang Maynilad ng P3.4 bilyon at P7.4 bilyon sa Manila Water bilang compensation claims.

Sa nasabi ring pagdinig, sinabi nina Almendras at Fernandez na susunod sila sa kahilingan ni Pangulong Duterte na hindi na pagbayarin ang gobyerno

ng nasabing halaga.

Handa rin umano ang Manila Water na maki­pag-ugnayan sa gobyerno para i-review ang “onerous” provisions na sinasabi ng Pangulo sa concession agreement. 

Samantala, nagbanta naman si Pangulong Duterte ng government takeover sa operasyon ng 2 water companies kapag hindi siya kuntento sa paliwanag

ng mga ito kaugnay ng kontrata sa gobyerno.

Sinabi ng Pangulo kagabi, nakatakdang makipag-usap siya sa Manila Water at Maynilad Waters kasama ang government lawyers upang pag-usapan ang

1997 concession agreement.

“Kapag hindi ako ma-satisfy, I will expropriate everything. Kunin ko lahat. Magdemanda ka nang magdemanda tutal dalawang taon na lang naman tapos

wala na ako,” giit ng Pangulo.

Una rito, sinabi ng Pangulo na malabong makipag-areglo ito para sa isyu sa kontrata ng pamahalaan at ng dalawang water concessio­naires.

Ayon sa Pangulo, hindi niya maisip kung paano sasabihin sa taong bayan na pumasok na lang ang pamahalaan sa aregluhan o sa isang compromise

agreement gayung may malaking kinalaman sa pinag-uusapang kontrobersiya ang economic plunder.

Binigyang-diin ng Pangulo na pera ng mga Pilipino ang pinag-uusapan dito na nabiktima ng harap-harapan gayung tayo din umano ang bumalikat sa

income tax ng dalawang water concessio­naires na sa paglalarawan ni Sen. Bong Go ay malinaw na panggigisa sa sariling mantika.

Samantala, sinabi ni Almendras na hindi na magpapatupad ang Manila Water ng scheduled rate increase sa Enero 2020. (Dagdag ulat ni Angie dela

Cruz)

Show comments