Live coverage ng hatol sa Maguindanao massacre pinayagan ng Korte Suprema

Una nang pumayag ang Korte Suprema na live itong tutukan ng mga mamamahayag noong 2011, ngunit ibinasura ito pagdating ng 2012.
Philstar.com/Jonathan de Santos

MANILA, Philippines — Pumayag ang Kataas-taasang Hukuman sa live media coverage ng promulgation ng Maguindanao massacre case na magaganap sa susunod na Huwebes.

Una nang pumayag ang Korte Suprema na live itong tutukan ng mga mamamahayag noong 2011, ngunit ibinasura ito pagdating ng 2012.

Nakatakdang ilabas ang desisyon sa kaso sa darating na ika-19 ng Disyembre.

Dapat sana ay noong ika-22 pa inilabas ang desisyon ngunit ipinagpaliban muna matapos humiling ng dagdag na 30 araw ni QC Regional Trial Court Branch 21 Judge Jocelyn Solis-Reyes.

Matatandaang 58 ang napatay sa insidente na nangyari sa Ampatuan, Maguindanao noong ika-23 ng Nobyembre, 2009, kung saan 32 rito ang kawani ng media.

Ilan sa mga itinuturong utak sa trahedya ang noo'y Datu Unsay mayor na si Andal Ampatuan Jr., na hinahamon noon ni Esmael Mangudadatu sa pagkagobernador sa 2010 national elections.

Dati nang tinawag bilang "single deadliest event for journalists" ng grupong Committee to Protect Journalists ang Maguindanao massacre. — may mga ulat mula sa News5

Show comments