MANILA, Philippines — Saludo ang mga sports officials at atletang dayuhan sa pagho-host ng Pilipinas sa 30th SEA Games.
Labis-labis ang pasasalamat ng Indonesian Sports officials sa Pinas lalo na sa Pinoy surfer na si Roger Casugay na pinairal ang pusong Pinoy matapos nitong iligtas ang katunggaling Indonesian surfer na si Arip Nhuridayat habang naglalaban ang mga ito sa isang surfing event sa Monaliza Point sa La Union.
Nangunguna sa kompetisyon si Casugay ngunit isinantabi nito ang panalo ng gintong medalya at binalikan si Arip hanggang ligtas na naibalik sa Pampang.
Todo-todo rin ang pasasalamat ng koponan ng Timor Leste sa mga Pinoy dahil sa suporta na manalo ang koponan ng medalya sa palaro.
Marami sa mga sports officials at atleta ng Timor Leste ang nakatira ng libre sa Philippine Sports Athlete’s dormitory sa Pasig.
“The hospitality has been amazing. Everyone has been great to us,” ayon kay taekwondo athlete Jennifer Lay.
Pinuri naman ni Thailand lawn bowl coach Daniel John Simmons ang pasilidad sa Clark Freeport, isa sa mga venues ng lawn bowl competition.
Ayon kay Simmons, nakakabilib ang ginawa ng Pinas na isang world-class sports facility sa loob lamang ng 40 araw.
Sinabi naman ng Malaysian official na si Abdul Kader, director general ng International Sepaktakraw Federation, na nakakamangha ang Sepak Takraw venue sa Subic gymnasium at tinawag niya itong pinakamagandang Sepak Takraw venue sa kasaysayan ng SEA Games.
Maging ang Olympic gold medalist swimmer na si Joseph Schooling ay napabilib sa kanyang naging karanasan sa 30th SEAG. “It’s awesome. It’s amazing,” There is so much energy’ ani Schooling.
Ipinagmalaki din ng swimmer ang kanyang yaya na isang Pinay na 10 taon ng naninilbihan sa kanyang pamilya.
Maging ang SEAG first timer event na e-sports ay umani rin ng papuri. Ang venue lamang sa San Juan ay balot ng iba’t ibang ilaw, smoke machine at hiyawan ng mga manonood.
Ayon kay Benjamin Assarasakorn ng Thailand E-Sports Federation, ang ‘landmark hosting’ ay dapat tularan ng ibang bansa sa Asya kung paano tatratuhin ang e-sports.
Bukod sa naturang mga papuri ng iba’t-ibang delegasyon, sinabi rin ni Olympic Council of Asia Vice President Wei Jizhong na handa na ang Pinas para sa mas malaking sports events dahil sa magandang pagho-host ng 30th SEAG kaya hinikayat niya ang Pinas na lumahok sa bidding para sa 2030 Asian Games.