MANILA, Philippines — Nakiisa na rin kahapon si House Deputy Speaker at Cebu Rep. John Garcia sa mga kasamahan nitong mambabatas sa pagsusulong ng Office of the Philippine Marshals Service (OPMS) upang bigyang proteksyon ang mga mahistrado, judicial personnel at mga assets ng korte.
Ito’y sa gitna na rin ng banta sa buhay ng mga mahistrado, huwes at iba pang nagtatrabaho sa korte dahilan sa mga sensitibong kasong hinahawakan.
Si Garcia ay naghain ng House Bill No. 5654 na naglalayong itatag ang mga armadong uniformed service sa ilalim ng kontrol at superbisyon ng Supreme Court na ang pangunahing mandato ay bigyang proteksyon ang mga opisyal ng korte, personnel at maging ang mga ari-arian ng mga ito.
“The Philippines is a dangerous place for a judge,” paliwanag ni Garcia sa kaniyang panukalang batas.
Simula 1999 hanggang Setyembre 2015 ay aabot na sa 24 huwes ang napapatay base na rin sa tala ng International Association of People’s Lawyer (IAPL).
Inihayag ng solon na simula 1999 ay isang huwes kada 8 buwan ang pinapaslang at sa nakalipas na limang taon ay limang aktibong hukom ang itinumba.
Maging ang mga nagtatrabaho sa korte at mga paralegals ay hindi rin ligtas sa pag-atake at panganib.