MANILA, Philippines — Nais muling bigyan ng pagkakataon ni Pangulong Rodrigo Duterte ang usapang pangkapayapaan sa hanay ng CPP-NPA-NDF.
Inatasan ng Pangulo si Labor Sec. Silvestre Bello lll upang magtungo sa The Netherlands para makipag-usap kay CPP founder Jose Maria Sison.
Ginawa ng Pangulo ang pahayag ng bumisita ito sa Bicol na malubhang napinsala ng bagyong Tisoy kamakalawa.
“Ang ano ko ngayon…I cannot stop. Hindi ko pwedeng sabihin, “Ayaw ko na makipag-usap”. That is not a statement of a leader, of a president. Alam ko yung mga military. But you know you should understand that the quest for…the longing for peace is always there. And not for the military and the police but for everybody. Kailangan…the doors must be open always…there must be at least one channel if everything closes na pwede mong pakiusapan,” sabi ng Pangulo.
Magugunita na kinansela ng Pangulo noong Marso ang peace talks sa CPP-NPA-NDF dahil sa patraydor na pag-atake ng NPA sa pulis at militar kahit umiiral ang usapang pangkapayapaan.
“If he (Sison) agrees, sabi ko last card,” anang Pangulo.
Inamin din ng Pangulo na may mga pagkakataon na kailangan mong bawiin ang mga nasabi mo sa mga tao. Patungkol ito sa ilang beses niyang pahayag na hindi na siya babalik pa sa negotiating table sa CPP-NDF.
Ayon naman kay Bello, kailanman ay hindi nawala ang hangarin ng Pangulo na makamit ng Pilipinas ang panghabambuhay na kapayapaan.
Sabi pa ni Bello, kukumbinsihin niya si Joma Sison na ganapin sa Pilipinas ang pagpapatuloy ng peace talks.
Umaasa naman ang kalihim na magkakaroon ng positibong resulta ang kanyang pagtungo sa The Netherlands dahil naniniwala siyang kapwa hinahangad ng magkabilang panig ang kapayapaan.