MANILA, Philippines — Hinirang bilang isa sa mga pinakamaimpluwensyang babae sa mundo ng isang London-based newspaper si Sen. Leila de Lima para sa taong 2019.
Sa 100 nominasyon na natanggap ng pahayagan, sinabi ng Financial Times na isa ang nakapiit na senadora sa 16 nangibabaw.
"Nananatiling nakakakulong ang senadora mula sa Pilipinas bunsod ng mga paratang kaugnay ng iligal na droga, bagay na itinatanggi niya at ng kanyang mga tagasuporta," sabi ng description na ibinigay ng Instagram user na si hcamp_spacesption sa Financial Times sa Inggles.
"Ang kanyang mga 'dispatch' galing selda, na sulat kamay, ay matatalim na komentaryo sa mga isyung kinahaharap ng Pilipinas."
Maliban kay De Lima, na kilalang kritiko ni Pangulong Rodrigo Duterte, napasama rin sa listahan ng Financial Times ang climate activist na si Greta Thunberg, Prime Minister ng New Zealand na si Jacinda Ardern, US Senator Elizabeth Warren, US House Speaker Nancy Pelosi at aktres na si Phoebe Waller-Bridge.
Una na rin siyang pinangalanan bilang isa sa mga "pinakamahuhusay na lider" ng Fortune Magazine, isa sa 100 pinakamaimpluwensyang tao ng Time Magazine, isa sa nangungunang "Global Thinkers" noong 2016 at 2017 ng Foreign Polocy Magazine at isa sa "Women to Watch" sa timogsilangang Asya ng Diplomat Magazine.
Humaharap si De Lima sa kasong conspiracy to commit drug trading charges sa mga korte ng Muntinlupa at nakulong noong ika-24 ng Pebrero, taong 2017.
Ayon sa kanya, parte lang ng paghihiganti ng presidente ang mga kinahaharap na "gawa-gawang kaso." — James Relativo at may mga ulat mula kay Gaea Kateena Cabico