MANILA, Philippines — Hindi mapalagay ang karamihan ng mga Pilipino sa pagtaas ng bilang ng mga banyagang manggagawa sa bansa, paglalahad ng Social Weather Stations, Huwebes ng gabi.
Sa pag-aaral na ginawa ng noong ika-27 hanggang ika-30 ng Setyembre, napag-alaman na 70% ng mga Pinoy edad 18 pataas ang nababahala sa pagdami ng mga Tsinong nagtratrabaho rito.
Nagmula 'yan sa pinagsamang datos na ito:
- talagang nababahala (31%)
- medyo nababahala (39%)
Mas kakaonti (30%) naman ang nagsasabing hindi sila nababahala, na pinagsamang datos ng:
- medyo hindi nababahala (19%)
- talagang hindi nababahala (11%)
Ayon pa sa survey, 12% ang nagsabing "napakaraming" Tsinong nagtratrabaho sa kanilang lugar; 19% naman sa kanila ang ang sumagot ng "medyo marami"; 25% ang sumagot ng "mga ilan lang"; 44% naman ang nagsabi nang "halos wala."
Sa mga nagsabing napakaraming Tsino sa kanilang lokalidad, 84% sa kanila ang nababahala.
Kapansin-pansin na mas mataas ito kaysa sa 78% na nababahala sa mga sumagot nang "medyo marami," at 60% sa mga sumagot ng "mga ilan lang."
Bagama't may mga nagsabing walang Tsino sa kanilang lugar, 69% pa rin sa kanila ang nagsabing nababahala sila.
Marami sa mga nasabing banyaga ay nagtratrabaho sa iba't ibang negosyo sa bansa, kabilang ang mga kontrobersyal na Philippine Offshore Gaming Operators.
Ginawa ang pag-aaral sa gitna ng patuloy na agawan ng teritoryo ng Tsina at Pilipinas sa West Philippine Sea.
Sa kabila ng girian sa karagatan, malapit na magkaibigan sina Pangulong Rodrigo Duterte at Chinese President Xi Jinping.
Banta sa seguridad?
Pero hindi lang basta agawan sa limitadong trabaho sa bansa ang ikinakabalisa ng mga Pinoy. Lagpas kalahati sa kanila, iniisip na maaaring mailagay sila sa peligro nito.
Nasa 52% ng mga Pilipino ang naniniwalang banta na ito sa pambansang seguridad.
'Yan ang lumabas nang ilapit sa respondents ang tanong na "Gaano po kayo SUMASANG-AYON o HINDI SUMASANG-AYON sa pangungusap na ito: 'Ang pagdami ng mga dayuhang Instik na nagtatrabaho dito sa Pilipinas ay isang banta sa kabuuang seguridad ng bansa'":
- lubos na sumasang-ayon (27%)
- medyo sumasang-ayon (25%)
Mas kaonti naman ang hindi naniniwala na banta ito, sa bilang na 27%. Nasa 21% naman ang hindi pa makapagdesisyon tungkol sa isyu.
Hulyo ngayong taon nang sabihin din ni National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr. na banta sa pambantang seguridad ang biglang pagdami ng mga turistang Tsino sa bansa.
'Karamihan nasa Metro Manila'
Ang proportion ng nakakikita ng maraming Tsino sa kanilang lugar (% sumagot ng "napakarami" at % ng sumagot ng "medyo marami") ay pinakamataas sa Metro Manila sa 43%, na sinundan ng Visayas sa 37%, Balance Luzon na may 28% at Mindanao na may 19%.
Pinakamaraming nababahala sa pagdami ng mga Tsinong nagtratrabaho sa Pilipinas sa Metro Manila sa 75%, na sinundan ng Visayas sa 71%, Balance Luzon na 69% at Mindanao na may 67%.
Ginawa ang pag-aaral sa harapang panayam ng 1,800 katao sa buong bansa: tig-600 sa Balance Luzon at Mindanao at tig-300 sa Metro Manila at Visayas.
"Ang pagsusuri ng Social Weather Survey sa opinyong publiko sa mga Tsinong nagtratrabaho sa Pilipinas ay hindi kinomisyon ninuman," paliwanag ng SWS sa Inggles.
"Sariling inisyatiba ito ng SWS at inilabas bilang serbisyo publiko."