MANILA, Philippines – Nahaharap na ang Pilipinas sa “krisis sa basura” dahil sa napakataas na ‘volume’ nito na nalilikha ng mga Pilipino, ayon kay Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Roy Cimatu.
“We are now in the middle of a garbage crisis. If we continue to act only for our independent interests, continue to spoil our water bodies and fail to responsibly manage our wastes, we will not be able to sustain our efforts on this campaign,” sabi ni Cimatu.
Sa kanilang datos, ang target na baseline ng basura para sa Metro Manila na 58,000 cubic meters para sa buong 2019 ay nalagpasan na sa unang dalawang quarter pa lamang ng taon.
Sa unang quarter, nakalikha ang mga taga-Metro Manila ng 34,574.77 cubic meters habang sa ikalawang quarter ay pumalo ito sa 32,221.17 cubic meters.
Iginiit ni Cimatu na hindi na epektibo ang mga ‘clean-up drive’ partikular sa rehabilitasyon ng Manila Bay.
Sinabi niya na naging kultura at pag-uugali na talaga ng mga Pilipino ang walang pakundangan na pagtatapon ng basura.
Sa mga nakalipas na clean-up drives, makalipas ang ilang linggo ay muling bumabalik ang mga basura dahil na rin sa pagkakalat ng mga residente na patuloy na walang disiplina sa basura.
“We and the following generations will all suffer the consequences if we do not change the way we behave as an organization and as individuals,” babala pa ni Cimatu.
Kabilang sa mga pansamantalang aksyon na ikinakasa ng DENR ay paglalagay ng mga pader sa mga ilog para mapigilan ang mga tao na magtapon ng basura at paglalagay ng mga ‘septic tanks’ para sa mga ‘informal settlers’ habang hindi pa naipatutupad ang kanilang relokasyon.
Nitong Nobyembre, nasa 13,212 establisimiyento sa paligid ng Manila Bay ang ininspeksyon ng DENR. Nasa 107 dito ay binigyan ng ‘cease-and-desist orders’ dahil sa mga bayolasyon, nasa 2,684 ang inisyuhan ng ‘notice of violation of environment regulations’ habang nasa 1,910 pa ang idadagdag na isyu.
Nakatakda naman ang DENR na maglabas ng Department Order para sa pagbabawal sa paggamit ng ‘single-use plastic’ na siyang pangunahing basura na bumabara sa mga daluyan ng tubig sa Metro Manila at ibang lungsod.